Katiwaliang hindi masikmura ang nagtulak kay Acsa Ramirez para ibulgar ang P431-milyon tax scam sa pinaglilingkurang Land Bank of the Philippines, Binangonan Branch noong August 2002. Subalit masaklap ang kinahinatnan ng "whistle blower" na si Acsa sapagkat nang iharap siya ng National Bureau of Investigation (NBI) kay President Arroyo, siya pa ang itinurong suspect. Siya ang nabagsakan ng tabak. Ang sakit Kuya Eddie!
Ang matindi, ipinagpatuloy ng NBI ang pagkaso sa kanya at dahil doon nalaglag ang sanggol na dinadala ni Acsa. May walong buwan silang nagtago ng kanyang asawa sapagkat marami ang nagbabanta sa kanyang buhay bunga ng kanyang ibinulgar na katiwalian. Kahit na nilinis ng Ombudsman ang kanyang pangalan at hindi kasangkot sa tax scam, patuloy pa rin ang NBI sa pagsikil sa kanya. Maging si President Arroyo ay hindi nag-sorry sa nagawa.
Noong Biyernes lamang napagpasyahang mag-sorry ni Mrs. Arroyo kay Acsa. Kasunod na nag-sorry si NBI Dir. Reynaldo Wycoco. Nakapagtataka na kung bakit umabot pa ng isang taon bago nakapagpasya si Mrs. Arroyo at si Wycoco. Natiyempo pa sa panahong nayayanig ng kontrobersiya ang kanyang administrayon dahil sa pagkakasangkot ng kanyang asawa sa katiwalian. Ganoon man hindi pa rin huli ang lahat. Isang epekto lamang ay baka wala nang lumantad para magbulgar ng katiwalian sapagkat baka mapagkamalan pang suspect.
Kailangan ang marami pang katulad ni Acsa na matapang magsiwalat ng katiwalian at kabulukan sa gobyerno. Ang nadiskubre ni Acsa ay maaaring kapiranggot lamang kumpara sa mga nangyayaring katiwalian sa Bureau of Custom, Bureau of Internal Revenue at Department of Public Works and Highways at marami pang iba. Panahon na para lumantad ang mga katulad pa ni Acsa upang mapigilan na ang pangungurakot.