Mukha ni Atienza front lang sa rolling stores ni Alcoriza

NAKIKITA n’yo ba ang mga rolling stores na may litrato ni Manila Mayor Lito Atienza na nag-iikot sa mga barangay sa Maynila ng mga murang manok at karne ng baboy at baka? Ayon sa mga Manila’s Finest na nakausap ko, ang nasa likod ng naturang proyekto ay ang milyonaryong si Delfin Alcoriza. Malaking bagay itong proyekto ni Mayor Atienza at sa katunayan ay malaking halaga ang naiipon ng mga mahihirap na taga-Maynila dahil sa mababa na paninda ni Alcoriza, kasama na rito ang hotdog at corned beef na kinagigiliwan ng mga bata. Kaya huwag kayong magtaka kung pinipilahan ng mga residente ng Maynila ang paninda ni Alcoriza. Kaya lang, ayon sa Manila’s Finest na nakausap ko, front lang pala ni Alcoriza itong mukha ni Atienza sa naiiba niyang negosyo, he-he-he! Sabi ko na nga ba eh!

Ito palang si Alcoriza na nakabase sa San Antonio sa Tondo ang nakabili ng prangkisa ng jueteng ni Joe Lazaro ng Novaliches. At siyempre, dahil iba na ang bangka ng jueteng ni Lazaro, naitsa-puwera ang mga pulis na dating alalay nito sa negosyo. Sa ngayon, full blast na ang jueteng ni Alcoriza at siyempre, hindi siya pinapansin ni Atienza dahil abala siya sa programa niya para mapaganda ang Maynila. Sanay kasing sa maganda lang nakatingin si Mayor Atienza, di ba mga suki? Kung sabagay, "bukas na bukas" ang mga pasugalan sa ngayon sa Maynila habang palapit ang eleksiyon.

Hindi lang pala sa jueteng luminya si Alcoriza. Ayon pa sa Manila’s Finest, si Alcoriza rin ang nasa likod ng malakasang araw-araw na tupada sa Vitas, Tondo. Ang man-Friday ni Alcoriza sa Vitas ay ang kanyang kapitbahay na si Jessie Taga, anang Manila’s Finest na nakausap ko. Ngayon ko lang narinig ang pangalan ni Alcoriza pero kung ang mga sumbong ng Manila’s Finest ang gagawin nating basehan, mukhang bagyo siya sa administrasyon ni Mayor Atienza. ’Ika nga, wala pang huli ang mga ilegal niya. He-he-he! Maraming luhaang pulis pala sa negosyo ni Alcoriza. Sino ba naman ang magtatangkang umorbit sa kanya eh nakasandal siya sa pader.

Kung sabagay, hindi lang si Atienza ang ipinagmamalaki ni Alcoriza, anang mga pulis-Maynila. Kasi nga, ipinagyayabang nito na kumpare niya si Sen. Robert "Bobby" Barbers na dating pulis-Maynila rin. Kung si Alcoriza ang paniniwalaan, ang isang anak pala ni Sen. Barbers ay inaanak niya sa kasal. Super bagyo talaga si Alcoriza. Para bang bagyong "Imbudo".

Show comments