Subalit mas mainam kung may magagawa pang hakbang si Rep. Marcos para lalo pang mapaunlad ang wika. Bilang isang mambabatas na nagpakita na ng malalim na interes sa pagpapayabong ng wika, bakit hindi niya pangunahan ang paglikha ng batas na mag-uutos sa pagtatatag ng isang Filipino university na ang tanging pag-aaralan ay ang wikang Filipino lamang. Sa ganitong paraan, lubusang mahahasa ang mga Pinoy at makatutuklas pa nga ng mga bagong salita na magpapayabong pa sa wika. Kasabay sa pagpapakadalubhasa sa Filipino, pagbutihin din ang pag-iingles.
Sa ginawang press forum sa Traders Hotel noong Agosto 19 na sponsor ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), nakatatakot ang sinabi ng isang tagapagsalita na kung hindi magkakaroon ng matibay na pagmamalasakit sa Wikang Pambansa, maaari itong mamatay at maging katulad ng mga wikang Latin at Hebrew. Isa sa mga problemang nakikita ay ang kakulangan ng mga libro o babasahin sa Filipino na dapat malimbag at maipamahagi sa taumbayan para sa kanilang kaalaman. Hindi gaanong aktibo ang pamahalaan sa pagbibigay ng mga paligsahan sa pagsulat ng kuwento, sanaysay at tula. Inamin naman ng KWF na kulang na kulang sila sa pondo. Anila, kung may sapat silang pondo magagawa nila ang mga hakbang sa pagpapayaman sa wika.
Nasa pamahalaan ang pagkukulang kung sakali at mamatay ang wika, huwag naman sana. Masyadong okupado ng usapin sa corruption, kudeta at pulitika ang bansang ito kaya marami ang nakakaligtaan pati ang pagpipreserba sa wika.
Paano na ang buhay Pinoy kung walang Filipino tabloids? Hindi malalaman ng masa ang nangyayaring corruption at maputik na pulitikang nagpapasama sa bansa. Salamat sa Filipino tabloids.