Sa 15 taon ng CMP na ipinapatupad ng National Home Mortgage and Finance Corporation ay mahigit P4.128 bilyon na ang naipautang sa may 1,068 na proyekto ng CMP sa buong bansa. Sa mga proyektong ito, may 134,279 na pamilya na ang nakinabang sa proyektong ito. Ito po ang pinakamalaking halagang naipagkaloob sa maralitang taga-lungsod para sa ganitong pagpapautang sa pabahay.
Sa programang CMP po ay aktibo ang pakikilahok ng mga NGOs, pamahalaang lokal o LGUs gayon din po ang mga sangay ng gobyerno. Ang mga NGO originators po ang nangungunang originator na may katumbas na 52.78% na kabuuang proyekto, kasunod ang mga ahensiya ng pamahalaan na may 24.85% at pamahalaang lokal o LGUs na may itinala na 22.37% na pakikilahok. May 47 na NGOS ang aktibong lumalahok, 44 sa LGU at 2 sa ahensiya ng pamahalaan. Sa antas naman ng koleksiyon, ang mga NGOs ay may collection efficiency rating na 75.80%, 84.26% naman para sa ahensiya ng pamahalaan at 78.97% para sa mga LGUs.
Ang National Capital Region na may pinakamalaking bahagi ng napautang sa CMP, ay 82.47% ang antas ng pagbabayad, ang Region IV na kasunod sa laki ng napautang ay 72.42%, samantalang ang Region XI, na pinakamalaki ang natanggap na pautang sa Mindanao, ay may 81.19% na pagbabayad.
Kitang-kita po na ang CMP ay hindi lamang nakakatulong sa mga maralitang taga-lungsod ng Metro Manila kundi maging sa ibang bahagi ng bansa hanggang sa Mindanao.