Seryoso ba sa 'lifestyle check'

MARAMI ang natuwa nang magsumite ng kanilang courtesy resignation kay President Gloria Macapagal-Arroyo si Customs Commissioner Antonio Bernardo at ang apat niyang Deputy Commissioners na sina Ray Allas, Jorge Gereos, Alexander Arevalo at Gil Valera. Inihayag nina Bernardo ang kanilang pagbibitiw sa isang press conference na kanilang ipinatawag upang aniya mabigyan si President Arroyo ng pagkakataon na ipatupad ang anumang pagbabago sa Bureau of Customs.

Maganda na sana ang dating nito sa mamamayan ngunit mukhang umasim nang sabihin nina Bernardo at mga kasamahan niya na nagbitiw sila dahil sa ayaw nila ang ginagawang proseso ng mga nagpapatupad ng ‘lifestyle check’ na parang pinalalabas na guilty na kaagad sila bago pa man maimbestigahan. Ito rin ang nagbunsod upang mag-rally ang mga kawani ng ahensiya.

Hindi ko alam kung ano talaga ang protesta ng mga taga-Customs at kung may basehan. Marahil ay talagang mahigpit nga ang ginagawang pag-che-check sa kanila sapagkat totoo namang may tatak na sa kaisipan ng lahat ang matagal ng katiwaliang nananaig sa Bureau of Customs.

Subalit ang hindi maintindihan ay ang hindi pagtanggap ni President Arroyo sa pagbibitiw na ito ng mga opisyal ng Customs. Sinabi ng Presidents sa pamamagitan ng kanyang spokesperson na si Sec. Ignacio Bunye na hindi na muna papayagang umalis sa kanilang mga tungkulin ang mga ito hanggang hindi pa natatapos ang lahat ng imbestigasyon sa mga taga-Bureau.

Sa ginawang aksyon ni President Arroyo, lalong nataranta ang taumbayan. Hindi nila malaman kung seryoso nga ang pamahalaan sa pagpapatupad ng ‘‘lifestyle check.’’ Baka naman hindi ang klase nina Bernardo ang hinihintay ng President na magbitiw kundi ang mga napakaraming opisyal na walang pakundangang nagnanakaw sa bayan. Hindi lamang sa kongreso kayo tumingin. Ayan ang iba, nakapaligid kay President Arroyo.

Show comments