Buti rin at binawi ni PNP Dir. Gen. Hermogenes Ebdane ang babala na idadawit sa kasong kudeta ang sinumang mag-interview kay Gringo. Labag yon sa freedom of the press, lalo nat wala pang habla sa senador.
Ganunpaman, naghasik ng pangamba sina Gng. Arroyo at Ebdane na tila nais ipitin ang pamamahayag. Naalala tuloy ng matatanda sa kanila ang martial law, nang pinagkukulong ang mga peryodista. Nag-asal Capt. Milo Maestrecampo sila, ang Magdalo coup plotter na nanutok ng nakakasang automatic rifle sa reporters sa Oakwood nung July 27 at nanigaw: "Bahagi kayo ng problema, bahagi kayo ng buktot na lipunan."
Ibang-iba ang pamunuan nung 1986-89, panahon ng kudeta laban kay Presidente Cory Aquino. Bahala ang reporters kung gusto nilang ma-interview si Gringo, na nagtago rin matapos ang palpak na power grab nung August 1987. Pero kinakaibigan sila ng mga tumutugis sa ilalim ni Gen. Ramon Montaño. Tinatanong kung saan sila sinundo ng mga alalay ni Gringo, at kung inihiga sa sahig ng kotse, ano ang napansin sa skyline, gaano katagal ang biyahe, ilan ang naramdamang humps. Na-triangulate ni Montaño na nasa bandang Valle Verde-Pasig ang hideout ni Gringo, di kalayuan sa Camp Aguinaldo. Nagposte siya ng lookouts. Naispatan at binuntutan ang mga alalay. Ni-raid ang hideout at pinosasan si Gringo. Kinumpiska ang mga kagamitan, kasama ang x-rated magazines na Wife Beating at Child Sex. (Ay bastos.)
Tularan sana ng pamunuan ngayon ang masusing pagdedetektib ni Montaño noon, imbis na tinatakot ang media. Ika nga, pag may tiyaga, may nilaga. Ang bunga ay napipitas sa gawa, hindi sa salita. Hayaan lang magpa-press interview si Gringo. Delikado ito sa kanya.