Sinabi ng ilang Manilas Finest sa akin na buhay at dugo nila ang ibinuwis para lang idepensa ang Malacañang noong May 1, 2001 pero mukhang sa ibang pinagkakaabalahan nakatingin si Imbudo. Sa tingin nila nagmamadali si Imbudo na punuin ang kaban niya bago man lang ito maalis sa WPD. Kaya noong nakaraang mutiny ng Magdalo group, aba isa si Imbudo sa mga namumutla dahil alam niya baligtad din ang sikmura niya kapag nanalo ang mga rebeldeng sundalo, anang Manilas Finest. Buti pa si Bulaong at kampante lang na nakihalubilo sa kanila noong mutiny nga. Talaga?
Kung sabagay, hindi lang si Imbudo ang nangako na tutulungan sila sa kanilang problema, ayon sa Manilas Finest na nakausap natin. Pati si Dir. Avelino Razon, ang hepe ng Human Resource Development Directorate (HRDD) ng PNP at dati ring WPD chief ay nakipagpulong sa Manilas Finest noong Enero pero hanggang ngayon, wala pa ring balita ukol sa promotions nila. Mukhang pati si Razon ay nawala na rin ng linya hindi lang sa Camp Crame kundi pati sa Malacañang, anila. Eh sino na sa ngayon ang lalapitan ng Manilas Finest kung wala na ring panahon si PNP Chief Dir. Gen. Hermogenes Ebdane Jr. na pakinggan ang mga hinaing nila? Dating WPD chief din si Ebdane pero mukhang hindi siya marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan, ang akusa ng Manilas Finest sa hepe ng PNP. Ano ba yan?