Hirit ni Ebdane nung una at huling takas, kagagawan kuno lahat ng kung sinong PNP officer na ayaw siyang maging hepe o nais agawin ang puwesto niya. Pero hangga ngayoy di pa niya ito pinapangalanan.
Nang makatakas si al-Ghozi, ang unang naibulalas ni Ebdane ay barilin ang pugante at ibalik sa kampo miski lasog-lasog na ang katawan. Lalong nagalit ang taumbayan sa utos na animoy balak pagtakpan kung paano nakapuslit ang terorista mula sa maximum-security jail. Nakalusot lang si Ebdane nang iutos ni President Gloria Arroyo na pamunuan niya ang manhunt at ang pagtatayo ng bagong kulungan sa Camp Crame. Pero mahigpit na bilin ni Gng. Arroyo na ibalik ang tatlo nang buhay.
Pero hayan, napatay si Edris sa misteryosong paraan. Nahuli na siya kuno sa Lanao at ituturo na ang hideout ni al-Ghozi nang mapatay habang inaagawan ng armas ng nambihag. Ni hindi PNP ni Ebdane ang dumakip kay Edris, kundi AFP na mabilis niyang pinawalang-sala sa salvaging. Kalat ang balitang nahuli na o pinatay din ng mga sundalo si al-Ghozi, at nadakip na si Lasal. AFP din ang kumilos, hindi PNP.
Tapos na ang manhunt, pero hindi nasunod ang nais ni Presidente na makapagsalita sana ang tatlo tungkol sa pagtakas. Tapos na rin ang bagong kulungan. Kung gayon, tapos na ang misyon ni Ebdane. Puwede na niyang dinggin ang hiling ng madla na umalis na siya sa puwesto.