Isa sa mga problemang nakaliligtaan ay ang patuloy na pagkalason ng hangin sa Metro Manila at kalapit na lalawigan. Palala nang palala ang air pollution at taliwas ito sa sinabi ni President Arroyo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong July 28, 2003 na nabawasan ito ng 15 porsiyento. Malayo sa katotohanan ang kanyang sinabi. Kung magmamasid lamang ang Presidente sa kapaligiran lalo na sa umaga na pumuputok ang araw, makikita niya ang nakalambong na usok na pinipigilan ang araw para magsabog ng liwanag. Iyon ang maruming hangin, na ang malaking porsiyento ay dulot ng mga sasakyang de-motor. Nasa hangin ang 31 percent ng particulate matter (PM), 9 percent ng sulfur dioxide, 58 percent ng nitrogen oxide at 99.2 ng carbon monoxide.
Maaaring ang sinabi ni Mrs. Arroyo sa kanyang SONA ay base lamang sa report ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nag-improve ang air quality dahil sa paglalagay ng maraming emission testing center. Pero nakikita ng mata at nalalanghap ng ilong na walang ipinagbago kundi lumalala pa nga ang pagkalason ng hangin. Patuloy ang tahimik na pagpatay sa mamamayan.
Ang Clean Air Act of 1999 ay hindi naipatutupad sa kasalukuyan. Walang ngipin. Taliwas sa sinasabi ng DENR na ito ang dahilan kaya na-reduce ang air pollution sa Metro Manila. Patuloy ang pagdami ng mga sasakyan at ang resulta, karagdagang nagbibigay ng lason sa kapaligiran. Habang nagbubuga ang mga sasakyan ng lason, patuloy naman ang mga factories, power stations, oil refineries sa pagbubuga ng usok. Ang Department of Transportation and Communication (DOTC) at ningas-kugon sa pagsakote sa mga sasakyang nagbubuga ng lason. Patuloy na pinagkakaperahan ng mga corrupt na miyembro ng anti-smoke belching squad ang kampanya.
Malala na ang air pollution sa Metro at habang hindi napuputol ang katiwalian sa lahat ng dako, ang paglinis sa hangin ay magiging isang pangarap na lamang. Saan pa titira ang taga-Metro Manila sa hinaharap?