Isang araw, nakatanggap ang pulis na si SPO4 Baldo ng isang impormasyon na nagkakaroon ng bentahan ng ilegal na droga sa boarding house kung saan nakatira sina Ted. Binanggit din ng impormante ang mga pangalan ng tatlong estudyante.
Nang gabing yun, hinintay ni SPO4 Baldo ang kapwa pulis na si SPO1 Bonifacio na nakatira rin sa boarding house ni Aling Loleng. Nagpanggap sina SPO4 Baldo at kasamang babae na bisita ni SPO1 Bonifacio. Tinanong nila kung saan ang kwarto nina Ted at itinuro ito ni Aling Loleng. Nang puntahan nila ang kuwarto, patay na ang ilaw sa labas at sa loob nito kaya naging madilim ang lugar. Kumatok sila rito at binuksan naman ng konti ang pinto. Hindi maaninag ni SPO4 Baldo kung sino ang taong nagbukas subalit tinanong pa rin niya kung makakabili siya ng marijuana rito. Isang lalaki na nasa loob ang sumagot ng "oo, meron".
Isang paketeng nakabalot sa diyaryo na may kapal na 8 1/2 inches at habang 11 inches ang iniabot kay SPO4 Baldo.
Binuksan ni SPO4 Baldo ang pakete at inamoy niya ito. Nang maseguro niyang marijuana ito, tinanong niya ang presyo. Sumagot muli ang lalaki sa kuwarto ng P1,000,000, at pagkatapos ay biglang sumigaw si SPO4 Baldo ng "Positive!"
Nagkagulo na sa palapag nina Ted. Hindi na pinasok ng pulis ang kuwarto bagkus ay pinalabas na lamang nila ang mga tao sa loob ng kwarto kasabay ng pagsigaw sa pangalan nina Ted, Bob at Frank, na sa oras na yun ay nagising sa malakas na sigaw ng kanilang pangalan.
Napag-alaman na sina Ted, Bob at Frank ay dumating sa board-ing house ng alas-siyete ng gabi pagkatapos ng kanilang klase. Nadatnan nila si Domeng sa kwarto na may kasamang dalawang lalaki. Hindi nila ito pinansin at natulog na lamang. At sa paggising nila ay pinosasan na lamang sila at dinala sa presinto. Kinasuhan sila ng pagbebenta ng ilegal na droga.
Nahatulan ang tatlong estudyante dahil ayon sa korte, nahuli sila sa akto o caught in flagrante. Tama ba ang korte?
MALI. Masasabing nahuli sa akto ang isang tao kapag positibong tinukoy ito ng mga testigo. Sa kasong ito, hindi natukoy ni SPO4 Baldo kung sino ang taong nagbenta at nag-abot sa kanya ng marijuana. Hindi rin positibong nakilala ni Bonifacio ang taong kausap ni Baldo nang sumigaw ito ng "positive!"
Hindi rin sigurado si Baldo kung ilang tao ang nasa loob ng kuwarto dahil patay na ang ilaw nito. Nagulat na lamang ang mga pulis nang hindi lamang tatlong estudyante ang lumabas sa kwarto kundi ilan pang kalalakihan.
Ang mga pangyayaring ito ay hindi maaaring maging basehan lamang ng Korte sa paghatol sa tatlong estudyante. Hindi nila isinaalang-alang ang posibilidad na ang mga taong nagbenta ng marijuana sa mga pulis ay hindi ang tatlong estudyante. At dahil hindi napatunayan beyond reasonable doubt, napawalang-sala sina Ted, Bob at Frank (People of the Phils. vs. Foronda et. al. G.R. 130602 March 15, 2000).