Kung nakakakuha umano ng mga prebelihiyo ang mga general, okey iyon, pero sana naman daw ay siguruhing ang mga sundalong nakikipaglaban ay may mga combat boots at may adequate communication equipment. Tanong pang may halos tigas ni Maestrecampo sa panel, "Ngayon tanungin nyo ako kung meron mali. Talagang may mali!"
Hindi maitatatwa ang pagka-idealistiko ni Maestrecampo. Mulat sa mga nangyayari sa lipunang kanyang ginagalawan. Nakikita ang katiwalian na ang naging bunga ay ang kadahupan naman ng kanyang mga kapwa sundalo. Hindi naibibigay ang prebelihiyo, maliit ang sahod, walang sariling lupa at bahay at marami pang iba. Sabagay, noon pa man marami nang inirereklamo ang mga sundalo tungkol sa klase ng kanilang buhay habang nasa serbisyo. Hindi nga lamang nila maipagsigawan pero ang totoo marami nang nahihirapan. Ang problema noon ay problema rin ngayon at ang isang maipagpapasalamat ay naisiwalat ito ng Magdalo Group nang kubkubin ang Oakwood premier hotel. Hindi anila kudeta ang kanilang pakay kundi upang iparinig lamang sa gobyerno ang kanilang hinaing.
Pero saan mang anggulo tingnan, kahit na ang pakay ng grupo ay gisingin lamang ang gobyerno, ang bahid ng pag-agaw sa kapangyarihan ay nakikita sa kanila.
Hindi lamang ang mga sundalo o si Maestrecampo ang dumaranas ng kadahupan ng buhay. Kung ang mga sundalo ay nasa hukay na ang kanang paa, mas maraming mahihirap na ang katawan ay nasa hukay na dahil sagad-sagad na ang kahirapang dinaranas. Mayroong dalawang beses na lamang kung kumain, maraming walang trabaho, may mga maysakit pero hindi maipagamot dahil walang pampaospital, may mga namamatay na hindi na nakatitikim ng gamot.
Pero sa kabila ng kadahupan, walang pangitain sa kanilang mukha o isipan na mag-alsa sa gobyerno. May pag-asa silang nakikita kahit hindi mag-alsa.