Sa Korte ay pautal-utal na inilahad ni Mila ang nangyari sa kanya. Hindi man madaling maunawaan ito pero positibo niyang tinukoy na si Tacio ang umabuso sa kanya.
Itinanggi ito ni Tacio. Hindi raw ito maaari dahil nang mangyari ang sinasabing panggagahasa, may kinakasama na raw siyang ibang babae na nakatira pa sa ibang barangay kaya hindi siya nagtitigil sa bahay nina Mila. Isa raw itong pakana ni Senyang dahil galit ito sa kanya.
Hindi inayunan ng Korte ang mga rason ni Tacio. Nahatulan pa rin si Tacio base sa naging testimonya ni Mila. Kinuwestiyun ni Tacio ang desisyon ng Korte. Malabo raw at pautal-utal ang testimonya ni Mila at hindi man lang nito matukoy ang eksaktong petsa ng ibinibintang na panggagahasa. Kaya hindi siya maaaring mahatulan ng rape. Tama ba si Tacio?
MALI. Nakalimutan ni Tacio na isang retardate at isip-bata si Mila kaya hindi maasahang maliwanag at tuwid ang pagsasalita nito. Ngunit kahit na pautal-utal at mahirap maunawaan, naging mapilit ito na si Tacio ang umabuso sa kanya.
Ang isang retardate ay maaaring maging testigo sa Korte. Ang kondisyon ng kanyang pag-iisip ay hindi makakabawas sa kanyang kredibilidad. Tinatanggap na ngayon na ang kahinaan sa pag-iisip ay hindi magiging hadlang sa kakayahan ng isang tao na maging testigo. Hanggat mailalahad nito at mauunawaan sa karaniwang paraan ang kanyang testimonya, ay sapat nang tatanggapin ng Korte.
Nahatulan ng rape si Tacio at may parusang reclusion perpetua at multang P50,000 civil indemnity at P50,000 moral damages (People of the Philippines vs. Trelles G.R. 137659 Sept. 19, 2001).