Kung naging matigas ang batas at nagkaroon ng ngipin noong 1987 na nagsimulang pausuhin ni Gringo Honasan ang kudeta, baka napigilan ang masamang gawaing ito. Si Gringo, dating army colonel ay pinamunuan ang madudugong kudeta noong 1987 na umabot hanggang 1989. Pinaka-madugo ang pagkudeta nila noong 1989 kung saan ay marami ang namatay at nasirang ari-arian. Dumapa ang ekonomiya at matagal bago nakabangon. Nagtago si Gringo subalit nahuli rin. Ang masaklap, dahil sa kalambutan ng gobyerno, ikinulong lamang si Gringo sa isang barko na nasa laot ng Manila Bay. Tumakas si Gringo at muling nagtago. Nabigyan lamang ng amnestiya ni dating President Fidel Ramos at ang kasalanan ni Gringo sa taumbayan ay napawi na. Inihalal pa siyang senador.
Ngayoy sangkot na naman ang pangalan ni Gringo sa nangyaring mutiny noong July 27, 2003. Kinubkob ng mga sundalo ang Oakwood Premier Hotel sa Makati City at sumuko lamang makaraan ang negosasyon. Nagtago na si Gringo nang simulan ang imbestigasyon sa ugat ng mutiny. Sinampahan na siya ng rebelyon. Ayon kay Gringo, lalabas lamang siya kapag inalis na ang state of rebellion na pinoroklama ni President Arroyo.
Kung naging matigas at lubusang naipatupad ang batas sa mga sundalo at opisyal na nagtangkang ibagsak ang gobyerno, tiyak na hindi na mangyayari ang mutiny. Sisihin ang kalambutan at pabagu-bagong isip ng mga namumuno at pakikialam ng mga nasa posisyon.
Ayon sa Articles of War ang crime of mutiny ay may katumbas na parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad samantalang ang crime of rebellion ay may kaparusahang pagkabilanggo ng 40 taon o tinatawag na reclusion perpetua. Sa ilalim ng Section 134-A ng Revised Penal Code, maliwanag na nakasaad na ang mga opisyal at miyembro ng military, police at gobyerno ay maaaring kasuhan ng kudeta at ito ay may kaparusahang pagkakabilanggo ng 40 taon.
Kung iyan ang nasunod sa mga gumawa ng karumal-dumal na kudeta noong 1987-89, tiyak na nasa kulungan pa sila at walang paparisan ang umanoy mga idealistikong sundalo na kumubkob sa Oakwood.