Marami ang dapat baguhin agad kung siguridad ang pag-uusapan. Pangunahin dito ay ang mga security and surveillance camera sa mga "critical areas."
Kapag sinuri ang mga kagamitang ito, makikita ang hubot hubad na katotohanan. Walang mga saysay. Matagal nang pinag-iwanan ng panahon.
Kumita ng tiba-tiba noon ng mga dating namuno na siyang bumili nitong mamahaling inutil na mga kagamitan. Hindi nila isinaalang-alang ang kahalagahan at ang tunay na gamit ng mga ito. Ang malungkot, kasalukuyang ginagamit pa rin ang mga ito ng NAIA.
Alam ng bawat Hestas, Hudas at Barabas sa loob ng NAIA na nakikipag-kuntsabahan sa mga human smugglers ang kahinaan ng bawat camera at kung saan nakapuwesto ang mga ito.
Alam nila ang mga lusotan at kung saan idadaan ang kanilang mga pinupuslit na "willing victims" ng human smuggling palabas ng bansa.
Isang ehemplo ng kahinaan ng mga inutil na camera sa NAIA ay ang paggamit pa rin ng "black and white," ayon sa aking source.
Mahirap daw para sa mga nagmo-monitor i-timbre ang kanilang subject sa mga operatiba sa loob ng NAIA. Itoy habang isinasagawa ng kanilang tinitiktikan ang iligal na gawain, habang nakikita nila mula sa isang black and white camera.
Hindi tulad kapag itoy colored camera makikita ang kulay ng suot ng subject, madaling isagawa ang "deskripsiyon" sakaling magkakahalintulad ang kulay ng kanilang mga suot na lalabas colored sa kanilang monitor.
Alam ito ng tanggapan ni NAIA General Manager Ed Manda. Bahala na siya magpaliwanag sa taumbayan. Balwarte niya to. Nasa sa kanyang balikat ang solusyon at paniguruhin ang seguridad sa NAIA.
Alam rin siguro ni Manda ang mga lugar sa NAIA na maituturing "kritikal". Ito yung mga lugar na hindi na nakikita ng security and surveillance camera. Sa halip ginagamitan na lang ng mga guwardiya na may kontrata sa NAIA.
Sa kahinaang ito, walang pakundangang sasabihin namin ang NAIA ay posibleng maging entry point ng mga pursigidong terorista. Hindi tayo nakakatiyak sa uri ng mga security guards natin.
Isa rin dapat din bantayan ni Manda ay yung patuloy na "turf war" sa pagitan ng mga "sindikatong" nasa loob ng NAIA gamit ang sinasabing "power of the press" na pinangangalagaan ang kanilang "modus" sa loob. Isa rin itong posibleng magamit ng mga terorista.