Wala na bang tapat sa pamahalaan?

"HONESTY is such a lonely word, everyone is so untrue" anang lumang awitin. Sino pa ba ang tapat sa ating pamahalaan at buong lipunan? Wala na yata. Sa mga umuugit ng pamahalaan, wala na bang mapagkakatiwalaan? Bawat isa’y may makasariling interes.

Talamak ang katiwalian sa ating gobyerno, bagay na ipinag-aaklas ng mga nakababatang lingkod ng pamahalaan na mayroon pang ideyalismo tulad ng grupong Magdalo sa ating Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Kapag bata ka pa, you’re still untainted by the allure of corruption. Akala mo, kaya mong baguhin ang bulok na sistema. Patuloy kang naninindigan sa iyong prinsipyo. Sa paglipas ng panahon, napagkukuro mo ang kawalang-pag-asa. Na ang iyong ipinaglalabang reporma ay siya ring ipinaglaban ng mga nauna sa iyo but to no avail. Hanggang sa mamulat ka na lamang isang araw na nilamon na ng bulok na sistemang iyong nilalabanan noon. Higit na masaklap, kabilang ka na rin sa mga tiwaling iyong tinutuligsa noong araw.

Hindi dapat mangyari pero iyan ang katotohanan. Ang ideyalismo ay pumapanaw at ang prinsipyo’y naglililo. For which reason, ang ating lipunan ay pasama nang pasama. Ang matatayog na public offices ay pinag-aagawan hindi para makapagsilbi sa bayan kundi upang patabain ang bulsa ng isang ganid na pulitiko at palakasin ang kanyang kapangyarihan at impluwensya sa daigdig.

Sa aking mga komentaryo at pananaw, lagi kong binibigyan ng benefit of the doubt ang sino mang nakaluklok na administrasyon. Ito’y sa pag-asang gagamutin ng administrasyon ang sariling sakit. Ngunit sa puntong tila wala nang pag-asa ang sitwasyon dahil sa talamak na mga bangayang pulitikal na pinasasahol ng mga garapalang pagnanakaw, sadyang ito’y dapat nang batikusin sa panitik. Gayunma’y hindi pa rin dapat gumawa nang marahas na hakbang lalo pa’t nalalapit na ang isang halalang demokratiko. Isang angkop na pagkakataon upang palitan sa tamang paraan ang sa palagay nati’y bulok na sistema ng pamamahala.

Ngunit kung totoo ang diwa ng awiting Honesty na nagsasabing ang bawat isa’y hindi tapat at ang salitang katapatan ay wala nang kabuluhan, sino ang ating iluluklok sa estado poder upang mamahala sa ating bansa?

Show comments