Sa kasalukuyan may 10 lugar pa sa buong Pilipinas ang aming pinoproseso upang maproklama bilang housing sites para sa mga sundalo at sa kanilang mga pamilya. Ang kabuuang lawak ng mga lugar na ito ay aabot sa 415 ektarya na maaaring matayuan ng humigit kumulang na 58,156 na kabahayan.
Sa ngayon ang mga ahensiya ng pabahay gaya ng Pag-IBIG, NHA at National Home Mortgage and Finance Corporation (NHMFC) ay naghahanda ng listahan ng mga unoccupied housing units na maaaring ibigay sa mga sundalo. Ang kabayaran sa mga bahay na ito ay maaaring utangin sa Pag-IBIG at huhulugan na lamang sa mababang halaga buwan-buwan.
Bago nangyari ang kaguluhan sa Oakwood, regular na ang pagpupulong at pagtutulungan ng HUDCC at ng AFP Housing Board upang isulong ang mga programang pabahay para sa mga kasapi ng AFP, karaniwang mga sundalo man o matataas na opisyal.