Kung ire-relieve ni Lina si Madrideo, dapat sibakin din niya sa puwesto ang hepe ng Silang sa Cavite, Las Piñas City, Parañaque City at Pasay City. Bakit ang maliit na isda lang na si Madrideo ang napansin ni Lina samantalang sa Parañaque eh apat na laboratoryo na ang natuklasan doon sa taon na ito eh hindi man lang natinag ang hepe ng pulisya roon? Di ba dapat parusahan din ni Lina ang tukayo niyang si Mayor Joey Marquez dahil pabaya siya sa tungkulin? He-he-he! Tingnan natin kung may lason ang laway ni Lina sa droga, kasi nga sa jueteng hindi siya umubra.
Sinabi ng kausap kong mga pulis na ang dapat sinibak sa puwesto ni Lina ay ang hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) hindi lang sa Region 4 kundi maging sa National Capital Region (NCR). Kasi nga, ayon sa bagong anti-drug law natin, si Madrideo ay suporta lamang sa PDEA na siyang inatasan na maghanap nitong laboratoryo at drug syndicates nga. Kaya ang tamang sibakin ni Lina ay ang taga-PDEA at hindi si Madrideo. Sobra kasing sumakay sa mga isyu si Lina para isulong ang ambisyon niya sa pulitika kayat biglaan siya kung magdesisyon tulad ng pagbibintang niya kay Sec. Gringo Honasan na umanoy utak ng mutiny ng mga sundalo sa Makati. Dapat magisa ng Senado si Lina para madala at matigil na ang pagsakay niya sa mga isyu para sumikat, di ba mga suki?
Kung ako naman kay Presidente Arroyo, dapat buwagin na rin niya ang PDEA dahil hanggang sa ngayon eh nanatiling pangarap na lamang ang minimithi nilang "big bang" sa kampanya nila sa droga. Ang AID-SOTF sa pamumuno ni Dep. Dir. Gen. Edgar Aglipay eh halos limang linggo pa lang ang operasyon pero sunud-sunod kaagad ang accomplishments samantalang ang PDEA, ano ang maipagmamalaki nila? Piyaet-piyaet lang ang mga trabaho nila na kung tutuusin, itinatag sila para hambalusin nga ang drug syndicates sa bansa. Kayat tumpak lang ang kautusan ni Presidente Arroyo na i-release ang P100 milyon na pondo ng AID-SOTF samantalang naiwang bokya ang PDEA. Ibig bang sabihin niyan, wala nang tiwala si Presidente Arroyo sa PDEA, he-he-he!
Mukhang nasa hot seat na si PDEA director Anselmo Avenido. Gramu-gramo lang ang kayang hulihin ng mga tauhan. Ano ba yan?
Kaya malungkot ang okasyon ng First Anniversary ng PDEA noong Miyerkules. Imbes na magdiwang, matamlay ang mga empleyado at marami sa kanila ang nanghinayang na ang AID-SOTF ang may malalaking accomplishments at hindi sila. Inisnab din ni Lina ang okasyon nila. Wawalisin na kaya ni GMA si Avenido? Abangan.