Pero ilehitimo ang paraang kudeta o mutiny para ilahad ang daing. Terorismo ang pagsakop ng isang civilian facility isang pribadong hotel at paglatag ng bomba sa paligid nito. Miski pangontra yon sa paglusob ng tropang gobyerno, kapabayaan pa rin sa kapakanan ng mga sibilyan.
Kung nanalo ang Magdalo, martial law na tayo ngayon. Natunton ni Brig. Gen. Vic Corpus nun pang Hunyo na balak pala nila ibalik si Erap bilang Presidente pero tatlong araw lang. Tapos, pagbibitiwin para makapagtayo sila ng junta. Patatalsikin lahat ng kolonel at heneral sa AFP. Ite-takeover ang civilian bureaucracy.
Tiyak na magiging malupit ang military rule nila. Tulad ng kay Marcos nung 1973-1986, hindi irerespeto ang sibilyan. Kakaiba ang trato ni Navy Lt-Senior Grade Antonio Trillanes IV sa reporters. Nung unang Oakwood press interview niya nang madaling araw ng Linggo, tinanong siya ng isang babaeng reporter, "Sir, sino ang ipapalit ninyo kay GMA kung umalis siya tulad ng nais ninyo?" Pinandilatan siya ni Trillanes at inusisa: "Nabasa mo na ba ang NRP (National Recovery Program?" Sagot ng babae: "Sir, tanong lang kung sino ang...." Pinutol siya ni Trillanes at tinanong uli kung nabasa na ang bibliya nilang sulat ni Sen. Gringo Honasan na halaw sa masteral thesis niya. "Nabasa ko po," ani reporter. Tinalikuran siya ni Trillanes at sumigaw sa mikes ng ibang reporters: "I demand that the entire nation read the NRP." Sapilitan ang pagbabasa pag napuwesto.
Mas malala si Capt. Milo Maestrocampo. Nung presscon nung hapon, nairita siya sa tanong ng reporters. Tinutok niya ang nakakasang assault rifle at sinigawan sila: "You are part of the problem, you are all part of this corrupt society." Paano pa kaya kung nasa junta na siya?
Magiging bulaan ang gobyerno nila. Walang pinagkaiba sa bulaan ni Capt. Gerardo Gambala na walang kudeta, sabay sugod sa Makati.