Kasama sa kanilang kahilingan ay ang pagsibak sa tungkulin nina Defense Secretary Angelo Reyes, PNP Chief Hermogenes Ebdane at ISAFP Chief Col. Victor Corpus, sa mga kadahilanang kanilang isiniwalat na.
Ang lahat ng mga akusasyong ito, lalo na yung tungkol sa pakikipagsabwatan sa mga rebeldeng Muslim at NPA ay ibinulgar na noon nila Fr. Nacorda, Mrs. Burnham at ni Rear Admiral Wong. Isinumbong din ito ng grupo nila Lt. SG. Antonio Trillanes IV hindi lang sa kanilang mga opisyal kung hindi sa Pangulo mismo.
Bagamat mali ang paraang napili, nangarap ang mga batang opisyal ng pagbabago, kanilang isinagawa ang pag-aaklas upang makamtan ang isang maayos na bansa na may matatag na pamahalaan, pinatatakbo ng matitinong opisyal, tapat sa panunungkulan at may hindi matawarang integridad.
Natawag nila ang pansin ng sambayanan para sa pagbabago na pinagkakait ng mga kapanalig ng administrasyon. Dahil sa kanilang sakripisyo ay namulat ang lahat at sumasang-ayon na kailangan nga ng pagbabago.
Napilitan tuloy si Pangulong Gloria na pumayag sa imbestigasyon at nagtayo pa ng dagdag na mga investigating commissions.
Kahapon ay inumpisahan kuno ang pagbabagong ito at pinagbitiw si Corpus bilang hepe ng ISAFP. Pagsibak na sana ay noon pa ginawa dahil sa sunud-sunod na kapalpakan ni Corpus at pag-aaksaya ng milyun-milyong intelligence fund. Si Corpus ay ginawang sacrificial lamb.
Kung ayaw ng Malacañang na isipin natin na nilaglag lang si Corpus, dapat patunayan ng ating Pangulong Señorita Gloria. Tanggalin niya rin ang ibang mga may sala. Sibakin din si Angelo Reyes sa dahilang hindi niya maayos ang problema ng militar at ang peace and order. Isama rin si Ebdane, dahil naman sa pagkakatakas ng teroristang si Al Ghozi.
Ang tanong nga lang ni Trillanes at tiyak ng sambayanan, "does she have the political will?"
May pag-asa pa bang pagbabago sa ating bansa? Maaari, kung gagawan ng lunas na uumpisahan na ngayon, hindi kunwaring paraan na pampapogi lamang na paboritong solusyon ng administrasyon.
Huwag namang insultuhin nina Wycoco at Matillano ang taumbayan at lalong huwag nyong isipin na tanga ang sambayanan. Bakit gagawin ng isang taong kababalik lang sa pagpapagamot ng kanyang puso ang ganoong bagay at bakit sa sarili pang bahay? Napakasagwa naman ng planting nyo, pinagtatawanan na tayo sa buong mundo sa kapalpakan nyo kay Al Ghozi, dadagdagan nyo pa ng kahihiyan.
Maawa na kayo sa bayan, para kayong walang pinagkatandaan, mabuti pa ang mga kabataan.