Mukha ng bagong Jericho, may uling

MAY katwiran palang magalit ang mga heneral ng pulisya sa Task Force Jericho ni Interior Secretary Joey Lina. Kasi nga kung gaano bumulusok ang dating nitong Jericho ni Lina laban sa jueteng noong nagdaang mga araw, eh wala rin palang ibang kahihinatnan kundi malakihang lingguhang intelihensiya. Maraming drama pa ang taga-Jericho samantalang ang nasa utak din pala nila ay sumawsaw sa jueteng nga at alam ’yan ni Atty. Morga, ayon sa opisyal ng Manila’s Finest na nakausap ko. Binago man ni Lina ang mga mukha nitong Jericho nya, eh maliwanag na mga dorobo rin sila at hindi kapakanan ng bayan ang nasa kanilang isipan kundi kung paano mapuno ang mga bulsa nila, he-he-he! Wala rin pala kayong pinagkaiba. Dapat itong Jericho ang unang imbestigahan ng PNP Reform Commission na itinatag ni Presidente Arroyo.

Ang akala kasi ng sambayanan, ang bagong Jericho na ang magtutuwid sa mga pagkakamali noon ni Lina kung bakit hindi niya napasara ang jueteng sa loob ng isang taon. Kaliwa’t kanan ang isinagawang raid ng Jericho kahit saang bahagi ng bansa kaya’t marami silang nakuhang papuri. Pero sa ngayon, bakit tahimik na kayo diyan ha Chief Supt. Manuel Cabigon, hepe ng Jericho? Nasilaw ka na rin ba ng kinang ng intelihensiya? Tanong ng mga Manila’s Finest. Sinira mo Gen. Cabigon Sir ang magandang pangalan mo sa giyera laban sa kriminalidad.

Matapos kasi ang walang humpay na raid na isinagawa ng Jericho eh maraming umikot para ikolekta sila ng intelihensiya. Siyempre, malaki ang tara nila kasi nga ipinakita nila sa mga gambling lord na magulo ang unit nila. Kasi nga may okasyon na pasok na ang isang gambling lord sa Jericho pero niri-raid pa rin ng mga bataan ni Cabigon. Ibang sistema ang pagkakitaan ng mga Jericho at ito ay ang tinatawag sa kalye na ‘‘palit-ulo,’’ ‘‘bawas-huli,’’ ‘‘case-filed’’ at iba pa. Sa sobrang takot ng gambling lords, napilitan silang makipag-ayos sa Jericho kahit abot-langit na ang hinihingi ng mga ito.

Ang ipinamalita ng mga alipores nina Buboy Go at Oscar Simbulan alyas Boy Abang, ang hari ng video karera at pa-bookies sa Maynila, walong team ng Jericho ang nasa payola nila sa ngayon. Maliban pa diyan ang pansariling hirit ng mga opisyal na malapit kay Cabigon. Alam kaya ito ni Atty. Morga? Ewan ko lang mga suki.

Ang huling raid na isinagawa ng Jericho laban sa jueteng ay ’yong sa Baguio City kung saan umabot sa 50 katao ang nahuli. Pero kelan pa ’yon? Sa ngayon, tahimik sila at kung ang mga pulis na nakausap ko ang paniniwa-laan, eh pasok na rin sila sa lingguhang intelihensiya dahil kay Col. Dimandal. At dahil nga ‘‘magulo’’ ang kanilang opisina, aba, abot langit kung manghingi itong si Dimandal at akala mo siya lang ang pulis, ayon sa mga club owners sa Quezon City. Garapalan na talaga no mga suki? Di biro kasi ang paglutang ng mga may-ari ng nightclubs diyan sa Quezon City para lang ireklamo sa Napolcom si Dimandal. At dahil sa reklamo nila, naniniwala na ang sambayanan na may bahid din ng uling itong mga mukha ng bagong Jericho tulad ng mga pinalitan nila. Ang pinalitan lang ay ang sistema ng pangongolekta at ang mga ‘‘Doberman’’ na ginamit sa ngayon eh mas masahol pa. Husgahan n’yo na lang si Lina sa darating na May elections mga suki. May karugtong.

Show comments