Hinggil ito sa aking naisulat na may pamagat na "Bulok na sistema ng DFA Davao sa Pagkuha ng passport" nung Biyernes ika-25 ng Hulyo.
Subalit ang kasagutan mula sa Davao sa tanggapan ni Assistant Secretary Rolando M. Libas ng DFA Mindanao ay maituturing kong "internal communication" sa pagitan ng DFA Manila at DFA Davao lamang.
Hindi ko puwedeng ilathala ang isang "komunikasyon" na hindi naman sadyang kasagutan para sa aking kolum nung Biyernes.
Ngayon pa lang ito ang aking masasabi, "kakaning baboy" ang kasagutan ni Rolando M. Libas. Akala siguro nitong si Libas ipinanganak lang kami kahapon katulad niya.
Uulitin ko, "kakaning baboy" ang aking mga nabasa. Dagdag pa ni Libas sa kanyang komunikasyon para sa DFA Manila, hindi raw totoo ang mga nakasulat sa aking kolum.
Subalit inaamin niya na talagang may "booking" sa Davao at sa kabila ng lahat pinasisinungalingan niya ang mga nakasulat sa aking kolum.Tsk-tsk-tsk! Ang hirap talaga kapag ang taoy nagsisinungaling, siya na mismo nahihilo.
Matatandaan naisulat ko, kinakailangan ng isang passport applicant sa Davao na magpa-book muna at maghintay ng 4 working days bago sila tawagin. Pagkatapos ay mamimili ng tatlong araw o anim na araw.
Sa tatlong araw na processing, P750 at sa anim na araw ay P500. Heto ang reklamong umabot sa aming BITAG action center sa TV.
Kaya ikaw, Assistant for Mindanao Rolando Libas makinig ka, sagutin mo ang mga nakasulat sa aking kolum nung Biyernes nang mailathala ko walang labis, walang kulang. Bahala ka na sa taumbayan kung tatanggapin ang iyong kasinungalingan este dahilan pala.
Sige humirit ka!