Sa pagsasama nina Harry at Nina, minsan ay nakatanggap si Harry ng mga sulat ng pananakot. Isa sa mga sulat ay naglalaman ng "Salamat sa pagpapahiram mo ng sasakyan at drayber. Pero masyado kang pakialamero. Walanghiya ka. Para kang demonyo. Pinakialaman mo ang di sayo. Lintik lang ang walang ganti. Matitiyempuhan din kita!" Ang laman naman ng ikalawang sulat ay "Ang kay Pedro ay kay Pedro. Kapag pinakialaman ay kay San Pedro ang tungo, mahal mo ba ang pamilya mo? Iniingatan mo ba ang pangalan mo? Nakakasagasa ka na." Sinabi ni Nina na ang dalawang sulat na ito ay galing sa kanyang asawang si Romy.
Huling nakita si Nina sa condominium unit ni Harry noong Setyembre 3 kung saan inihatid ito ni Diony, ang drayber ni Harry. Nakasuot si Nina ng violet na blusa at may dalang tatlong bag isang paper bag, isang violet Giordano bag at isang makapal na bag na yari sa balat. Makalipas ang apat na araw o noong Setyembre 7, natagpuan ng NBI ang nabubulok at putul-putol na katawan ni Nina sa tabi ng daan base sa sumbong ni Diony, ang drayber ni Harry. Sa resulta ng awtopsiya, namatay si Nina dahil sa tatlong saksak sa dibdib.
Ayon sa testimonya ni Diony, napatunayan ng walang duda ang mga sumusunod na pangyayari: na dinala si Nina sa condo ni Harry noong Setyembre 3; na noong Setyembre 4, hinanap ng katulong ang kutsilyo kung saan sinabi ni Harry na nasa kuwarto niya ito; na noong Setyembre 5, pinulot nina Harry at Diony ang pira-pirasong parte ng katawan ni Nina sa banyo sa loob ng kuwarto ni Harry; na itinapon ni Harry ang mga parte ng katawan ni Nina sa tabi ng daan sa may Laguna sa tulong ni Diony; na itinapon din ni Harry ang mga gamit ni Nina sa bandang Bataan; na natagpuan ang natukoy na parte ng katawan ni Nina ng mga pulis at NBI sa lugar na itinuro ni Diony; ang buhok na nakuha sa banyo ni Harry ay tugma sa buhok ni Nina; at ang dugo sa bedsheets ni Harry at sa trunk ng kanyang kotse ay tugma sa blood type ni Nina.
Nang mahatulan ng mababang Korte si Harry, umapila siya sa Korte Suprema. Iginiit niya na binalewala raw ng Korte ang dalawang sulat ng pananakot na kanyang ebidensya kung saan may mabubuong pagdududa sa totoong kriminal.
Tama ba si Harry?
MALI. Walang makikita sa dalawang sulat na siyang magpapawalang-sala kay Harry. Ang pananakot ay direkta sa kanya at hindi kay Nina. Ang katotohanang nakita nang huli si Nina sa condo ni Harry at pagkatapos ay sa banyo niya nakita ang patay nang katawan nito ay hindi magbubuo ng teorya na si Romy ang maaaring pumatay dito.
Si Harry ay nahatulan ng murder dahil hindi lamang niya pinugutan ng ulo si Nina kundi pinutul-putol pa niya ito at pagkatapos ay itinapon sa lugar na walang tao upang mabulok na lamang doon. Karumaldumal at hindi pangkaraniwan.
Kaya, reclusion perpetua medium o 40 taong pagkabilanggo at P50,000 actual damages, P1,000,000 moral damages, P1,000,000 exemplary damages at P150,000 na attorneys fees (People vs. Whisenhunt, G.R. 123819, November 4, 2001)..