Bagamat nakasaad sa batas (House Bill 4535) na dapat ay P10 billion ang mapupunta sa mga human rights victim, sinabi ni Mrs. Arroyo kamakalawa na maaaring P8 bilyon lamang ang mapunta sa kanila at ang natitirang P30 bilyon ay ibubuhos lahat sa agrarian reform. Sa ilalim ng Republic Act No. 6657, ang lahat ng perang ninakaw na mababawi ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) sa mga Marcoses ay awtomatikong gagamitin o mapupunta sa land reform program.
Sinabi ng gobyerno na bago matapos ang 2003 ay maibabalik na ang pera at magagamit na sa pagpapaunlad ng agraryo. Sa nararanasang kadahupan ng bansa at mababang kalidad ng pamumuhay, ang perang ninakaw ay malaking tulong para mapaunlad ang bansa. Magagawa ng perang ito na pabutihin ang buhay ng mga Pinoy na matagal na inapi ng diktador na nagdulot ng sapin-saping kahirapan.
Gamitin ang pera sa pagpapagawa ng mga kalsada o farm to market road at ganoon din sa paglalagay ng elektrisidad. Sa kasalukuyan maraming barangay sa buong bansa ang walang kalsada kaya hindi nila mailuwas ang kanilang paninda sa bayan. Kung mayroon mang kalsada, hindi iyon naisemento o naispalto kaya naging daan lamang ng kalabaw. Maraming barangay ang wala pa ring koryente kaya mabagal ang pag-unlad. Gamitin ang pera sa pagpapatayo ng mga publikong eskuwelahan. Marami sa mga estudyante na sa kawalan ng classroom ay sa ilalim na lamang ng puno nagsisipagklase. Gamitin ang pera sa pagtatayo ng mga kooperatiba na ang makikinabang ay mga magsasaka. Turuan ang mga magsasaka sa wastong pamamaraan ng pagtatanim. Kung magkakaron sila ng kaalaman uunlad ang kanilang buhay at siyempre pati ang bansa ay kasama sa pag-unlad. Hindi dapat masayang ang pera ng taumbayan.