Nangyari na ito nung 2002. Kahihirang pa lang kay Ebdane bilang PNP chief na susumpa sa Hulyo nang makatakas sa unit niya sina kidnappers Faisal Marohombsar, Abdul Macaombang at Rolando Patiño. Ganun din ang sabi ni Ebdane: kagagawan daw ng opisyal na nais itigil ang pag-angat niya. Hindi pa niya tinuturo kung sino yon.
Biglang may tumawag na Mr. Sulayman nung Miyerkoles sa Radio Mindanao Network at inakusahan si Deputy for Operations Virtus Gil na kumita ng $10 milyon sa pagtakas ni Al-Ghozi. Bagamat titingnan din ng mga imbestigador ang paratang, mahirap itong paniwalaan, ayon kina presidential spokesman Ignacio Bunye at Defense Secretary Angelo Reyes. Itinanggi siyempre ni Gil ang paratang at sinabing paninira lang yon dahil siya na ang papalit kay Ebdane.
Ganyan na ba sa PNP? Puro politikat intrigahan na lang para sa pinaka-mataas na puwesto? At teka, ni hindi naman si Gil ang kasunod sa linya para pumalit kay Ebdane. Kung puwesto ang pag-uusapan, si Deputy for Administration Edgar Aglipay ang No. 2. At kung linear list ng pinaka-senior general ang batayan, si Metro Manila chief Reynaldo Velasco naman ang next in line kay Ebdane. Malapit na rin bang tirahin sina Aglipay at Velasco?
May bahid-pulitika ang pagtakas mismo ni Al-Ghozi, anang isang imbestigador. Nasa poder ang bilanggo ni Supt. Reuben Galban, hepe ng Foreign Intelligence Liaison Office ng PNP-Intelligence Group. Bata siya ng isang heneral na naka-freezer dahil dikit sa isang politiko na sangkot sa Kuratong Baleleng massacre. Sa poder din ni Galban ang nawawalang massacre suspect na Supt. Glenn Dumlao.