Gigil na gigil ang environmentalist lawyers sa Palawan. Hindi sila pinayagang igiit ang demandang ilegal na pagpasok sa Pilipinas na may 5-10 taon bilanggo, at ilegal na pangingisdang may multang $100,000 kada bangka.
Gulung-gulo ang isip ng mga Navy men na humuli sa mga Intsik gayong hindi naman pala interesado ang civilian authorities na ipatupad ang batas. Samang-sama ang loob ng mga taga-Palawan na masugid na nagbabantay ng kanilang karagatan laban sa pandarambong ng mga may dinamita at cyanide.
Hindi lang ngayon nangyari ito. Nung Pebrero at Abril 2002, 136 Intsik sa limang bangka ang dinakip ng Coast Guard sa Tubbataha Reef at ng taumbayan sa Cagayancillo, Palawan. May huli silang dolphins na pamain sa pating, na hihiwaan lang ng palikpik para sa sharkfin soup. Tone-tonelada rin ang tangay na giant sea turtles, kabibe, corals, mameng at pulang lapu-lapu ang hinuli sa putok, lason o lambat na milya-milya ang haba at sinusuro pati ilalim ng dagat.
Nagkataong bibisita sa Maynila nung Setyembre si Li Peng, hepe ng Chinese National Peoples Congress. Gustong pakitaan ng gobyerno ng kagandahang-loob ang lider-Intsik na nagpapatay sa Army nung 1989 sa daan-daang demonstrador sa Tiananmen Square. Ipinaatras ang demanda sa poachers. Iniregalo sila kay Li.
Hindi na pala dapat tumakas sa Camp Crame si Fathur Rohman Al-Ghozi, na ngayoy may shoot-to-kill order tuloy mula kay PNP chief Hermogenes Ebdane. Kung naghintay-hintay lang siya nang konti, baka pinalaya rin siya ng justice department bilang pakita ng kagandahang-loob sa Moro Islamic Liberation Front. O, di ba?