Ayon sa batas, hindi sila obligado ihanap ng relocation site. Basta palalayasin sila sa lupa at gigibain ang ilegal na istruktura. Bahala sila sa sarili, dahil malinaw namang kaya nilang bumili ng legal na lotet bahay.
Mabilis kumilos ang squatting syndicates. Biglang dadagsa nang Sabado o Linggo, kasama ang mga nalokong bumili ng rights, at hahatiin ang lote at tatayuan agad ng barung-barong. Kaya weekend ay para hindi makahingi ng saklolo ang may-ari mula sa munisipyo o city hall. Tapos, oorganisahin ang squatters sa homeowners association o kooperatiba, na ipalilista sa Securities and Exchange Commission o sa Cooperative Development Authority. At para hindi basta mapatalsik, magpapatayo ng kapilya o mosque kung saan tatakbo ang squatters kung may demolition. May mga abogado pang tagahabla sa pulis at opisyales na nagpapalayas.
Hindi natinag ang UP-Diliman nang pasukin ng 700 pamilya ang Arboretum, munting gubat sa Commonwealth Avenue, Quezon City. Sa tulong ng City Hall, pulis at HUDCC, pinatalsik nito ang mga dumagsa mula sa Muslim communities sa Culiat, Quiapo, Taguig at ilang galing pa sa Lanao. Ubos na kasi ang pasensiya ng UP. Di lang basta nagputol ng puno sa Arboretum, pinasok pa ang National Hydraulics Research Institute at nanira ng mga gamit. Buti na lang at hindi napasok ang Phil. Atomic Energy Commission at Nuclear Research Administration. Kundi, baka nagka-radioactive fallout sa Kamaynilaan.
Kayang talunin ang sindikato. Habang nagtatayo pa lang ng kung ano, tawagin agad ang barangay. Kung walang building permit, bawal.