Pero mababa man ang kalidad ng buhay o kahit sagad-sagad na ang kahirapan, hindi pa rin naman ito dahilan para tumangging tumulong sa mga nangangailangan, lalo pa ang mga ospital na ang pangunahing layunin ay magligtas ng buhay ng kapwa. Higit sa lahat, buhay muna bago pera. Mas mahalaga ang buhay at sekondaryo lamang ang pera.
Pero hindi ganyan ang nangyari sa quadruplets. Kailangan munang may pera bago ma-admit sa dalawang ospital. Ayon kay Vladimir, ipinanganak ang quadruplets sa Espiritu maternity clinic pero dahil kulang sa buwan, pinayuhan sila ng mga doktor na ilipat sa Manila Central University (MCU) Hospital ang mga sanggol. Kailangang ma-incubator sa lalong madaling panahon ang mga ito. Dinala nila sa MCU ang quadruplets subalit tinanggihan dahil wala raw pasilidad doon. Ayon kay Vladimir, naghinala siya na maaaring naisip ng MCU na wala silang ibabayad kaya hindi sila tinanggap. Nakipag-ugnayan naman umano ang staff ng MCU sa Philippine General Hospital (PGH) subalit nag-demand ng P20,000 bawat sanggol bago sila i-admit. Aabutin ng P80,000 ang gastos at sinabi ni Vladimir na wala silang ganoon kalaking pera. Sa dakong huli, sa Jose Fabella Hospital nila dinala ang mga sanggol, subalit wala ring incubator doon. Gayunman, tinanggap din ng Fabella ang quadruplets at inilagay sa respirator. Subalit namatay din ang tatlo sa quadruplets. Pinagbayad din naman sina Vladimir ng MCU ng P15,000 para sa maikling treatment at P5,900 para sa ipinagamit na ambulansiya.
Kung may pera sina Vladimir at Jocelyn, maaaring na-admit sila sa MCU at PGH at maaaring buhay ang tatlo sa quadruplets. Isang kahig, isang tuka ang kanilang buhay. Walang nagawa sina Vladimir kundi pagmasdan ang unti-unting pagkamatay ng tatlong anak.
May magagawa ba ang gobyerno para kastiguhin ang mga ospital na mukhang pera?