Isa ito sa mga epekto ng import liberalization. Binabaha tayo ng mga murang kalakal mula sa ibang bansa kaya yung sarili nating mga produkto ang nilalangaw. Bagamat apektado ang halos lahat ng produkto, ultimo prutas, ang pagtutuunang pansin natin ay ang sapatos porke nagrereklamo na ang mga lokal na tagagawa nito.
At masisisi ba ang masang Pilipino kung tangkilikin nila ang "imported na, mura pa" na mga produkto? Marami na ring pabrika ang nagsara dahil sa mahigpit na kompitisyong ito. Sa halip na mag-manufacture ay naging importer na lang sila. Resulta, maraming obrero ang nawalan ng trabaho.
Iyan siguro ang dapat matanto ng masang Pilipino. Nakamumura nga sila sa pagbili ng imported goods, nawawalan naman sila ng hanapbuhay. At sa pagtangkilik natin sa mga imported na produkto, ibang bansa ang pinayayaman natin samantalang sa Pilipinas ay dumarami ang nagugutom.
Tungkol sa reklamo ng mga shoe manufacturers, sinabi ni Trade and Industry Secretary Mar Roxas na kumikilos ang kanyang departamento para mapigilan ang pagbaha ng murang sapatos sa bansa.
Ang Bureau of Import Services (BIS) sa ilalim ng DTI ang inatasang estriktong magpatupad sa mga regulasyon sa importasyon, ani Roxas. "Gusto natin tiyaking hindi maaapektuhan ang lokal na industriya ng sapatos sa pagpasok ng mga imported goods," aniya. Umaasa tayo sa karampatang aksyon na isasagawa ng DTI dahil seryoso ang problemang ito. Hindi lamang sa industriya ng sapatos kundi maging sa iba nating lokal na produkto.