Mayor Atienza at mga buwaya ng Manila City Hall, basahin n'yo to!

MAYOR Atienza, tutukan mo yang Public Recreation’s Bureau (PRB) sa ilalim ng iyong tanggapan d’yan sa Manila City Hall.

Mistulang namamalimos pa ang mga tauhan mo para lang sa mga gastusin ng mga aktibidades ng nasabing dibisyon.

Hindi kami pinanganak kahapon para maniwala na walang pondong nakalaan sa bawat dibisyon ng iyong tanggapan d’yan sa City Hall.

Kulang nga ba sa pondo o baka naman may mga buwaya lang d’yan sa loob ng nasabing tanggapan nang hindi mo nalalaman?

Mayor Atienza, basahin mo itong ipinadalang e-mail sa amin. Sumbong ito ng isang empleyadong hindi na makatiis sa kahihiyan.

Narito ang kanyang reklamo na ipinapabasa namin sa’yo.

Dear Sir Ben,



Greetings of peace!

Sir, isa po akong ordinaryong empleyado ng Public Recreations Bureau (PRB) ng Manila City Hall. Meron lang po sana akong nais na iparating sa inyo. Ito ay tungkol sa budget ng aming division (recreation division).

Nalulungkot po ako sapagkat nitong nakaraang buwan, ang aming division ay maraming proyekto na naisagawa at isasagawa sa mga susunod pang buwan ngunit ito ay hindi naisasakatuparan dahil sa kakulangan ng financial support mula sa aming bureau.

Isa sa aming kasamahan ay nag abono ng mahigit P700 para sa nasabing proyekto tulad ng pagkain, film developing at ink sa computer na hindi naman nai-reimburse dahil wala raw pondo. Wala namang na-solicit na malaking halaga kung kaya’t kahit nakakahiya man sa mata ng marami, nangingilak kami sa aming kakilala ng kontribusyon na tig-P10.00 at P50.00.

Itong darating na July 25, ipagdiriwang ng PRB ang isa sa aming hinahawakang recreation, ang Manila Zoo. Ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin ni sentimo na naibibigay ang Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila.

Sir, napakaimposible na ni sentimo ay walang budget ang isang division. Bakit kailangan iutos ng aming boss na mango- lekta ng P10.00 at P50.00 sa aming mga empleyado at kakilala? Saan ba napupunta ang million na ibinibigay ng City Hall ng Maynila?

Ano ang ipinapakita o sinusumite nilang financial report sa Commision on Audit (COA) kung wala silang sinusuportahan na isang proyekto ng aming division? Hindi ho ba nahuhuli ng auditing ng City Hall ang kawalang-hiyaan na ginagawa ng mga namumuno sa aming bureau?

Sir Tulfo, nakikiusap po ako sa ngalan ng aming division na gisingin n’yo at iparating sa aming alkalde ang hindi makatarungang gawain ng mga matataas na opisyal sa aming division.

Nawa’y magising at mabigyan ng leksyon ang mga taong buwaya hindi lamang sa loob ng Manila Zoo pati na rin d’yan sa loob mismo ng Manila City Hall.

Maraming salamat po!

Respectfully yours,
imjustanordinaryemployee
* * *
Para sa mga tips, reklamo’t katiwalian, tumawag o mag-text sa mga numerong ito: 0918-9346417 at sa telepono 932-5310 / 932-8919. Makinig sa DZME 1530 Khz, Lunes hanggang Biyernes, 9:00-10:00 ng umaga. At panoorin ang programang "BITAG" sa ABC-5, tuwing Sabado, 5:00-5:30 ng hapon.

Show comments