Kaya ko naman nasabing may hangganan talaga ang kasamaan mga suki ay dahil aksidente lang ang pagpuksa sa mga shabu laboratory. Natuklasan ng mga tauhan ni Sr. Supt. Roberto Rosales, ang provincial director ng Cavite PNP ang unang laboratoryo sa Barangay Cabangaan, sa Silang dahil lamang sa may pumutok doon. Ayon kay Rosales, mukhang ikinakabit ng mga anim na suspek ang kanilang kagamitan sa basement ng bahay ng aksidenteng pumutok nga at nadiskubre ang ilegal na aktibidades ng sindikato na pinamumunuan ni Benity Sze alyas Benito Sy.
Habang hinahakot naman ng grupo ni Rosales ang mga kagamitan sa bahay, ipinasailalim naman sa tactical interrogation ang mga arestadong suspek kay Supt. Federico Laciste Jr., isa sa team leader ng AID-SOTF. Siyempre pa, walang nakuhang ni ga-katiting na impormasyon si Laciste sa anim dahil ayaw nilang makipag-cooperate. Pero alam nyo naman mga suki na si Laciste, na nasa likod ng pagpuksa ng shabu laboratory sa Pasig City at San Juan, ay pursigidong matuklasan pa ang ibang aktibidades ng sindikato ay naghalungkat, kasama ang kanyang mga tauhan, sa bahay at nakakita nga sila ng maraming papel na karamihan ay mga resibo. At isang resibo ang nakatawag pansin kay Laciste na yaong may pangalan nga ni Benito Sy. Ilang beses na kasing nabanggit si Benito Sy sa mga nagdaang lakad ni Laciste laban sa droga kayat nag-double-check siya. At tumpak, nandoon ang pangalan ni Sy sa order of battle ng AID-SOTF, He-he-he! Maliwanag na magaling ang ating mga operatiba kung droga ang pag-uusapan, di ba mga suki?
Bunga sa resibong nakumpiska ni Laciste, ang mga shabu laboratory sa Las Piñas, Parañaque City at Quezon City ay natunton ng mga awtoridad. Milyun-milyong halaga ng mga precursor chemicals sa paggawa ng shabu ang nakumpiska. Sa tingin ng mga awtoridad, tatlo sa 13 transnational drug syndicates ang nabuwag dahil sa trabahong ginawa ng ating pulisya. May dahilan para magsaya si Presidente Arroyo kaya lang pansamantala lamang dahil nga sa pagtakas ni Al-Ghozi. Pero kung droga ang pag-uusapan, sa tingin ng sambayanan nasa tamang landas ang gobyerno ni Presidente Arroyo, di ba mga suki?
Sino si Benito Sy? Yan ang katanungan na bumabagabag sa isipan ng ating awtoridad sa ngayon. Dapat lang sigurong maaresto siya para mabulok siya sa kulungan kasama ang mga alipores niya.