Ayon sa aking bubuwit , happy birthday kay VW Mario Angeles, Marine Maj. Bert Enriquez, Carmela Durante, Bert Pasquin, at Charles Owen, ang Kilabot ng mga biyuda at matrona ng San Miguel Corporation.
Ayon sa aking bubuwit, galit-na-galit ang isang contractor dahil matapos pagandahin ang CR ng isang actress ay ayaw siyang bayaran.
Dahil actress ang nagpa-renovate, talagang pinaganda ng husto ng contractor upang hindi naman siya mapahiya.
Upang masiyahan ang beteranang actress, nilagyan niya ng magagarang tiles ang banyo nito.
Sa katunayan ay imported pang mga tiles ng inilagay.
Ito ay made in Italy.
Ayon sa aking bubuwit, dahil materyales fuertes ang ginamit sa malaking banyo ni Actress umabot ng P50,000 ang nagastos.
Nang dumating ang takdang petsa na dapat bayaran ni Actress ang contractor, ayaw nang magbayad!
Nagpabalik-balik ang kawawang contractor subalit ayaw na siyang harapin at kausapin ng actress.
Dahil diyan, napilitan na siyang magharap ng kasong estafa laban sa actress.
Ayon sa aking bubuwit, nagkaroon ng hearing sa Korte. Sa nasabing hearing ay naging ebidensiya sa pinirmahang promissory note ng actress.
Nang ipakita sa kanya inamin naman nitong pirma nga niya ang nasa promissory note.
Siyempre, dahil sa inamin niya ito sa hukuman, ano pa ang aasahan ninyo.
Natalo si Actress at inatasan siyang magbayad ng P50,000 sa contractor.
Pero ayon sa aking bubuwit, matigas talaga ang ulo ni Actress, ayaw pa ring magbayad.
At sa halip nagharap pa siya ng motion for reconsideration sa Court of Appeals.
Siguro, nang mapagsabihan siya ng kanyang abogadong wala siyang pag-asang manalo...
Ang ginawa ay nakipag-areglo na lang duon sa contractor. Siya ay nagbayad na lamang ng P50,000.
Nakakahiya naman ang actress na ito.
Ayon sa aking bubuwit, ang actress ay contemporary ng misis ng isang artistang nagbabalak kumandidato sa 2004 elections.
Siya ay napagbintangan noon na taga-turo sa nga Pilipinong TNT sa Amerika.
Siya ay si veteran actress F.A. as in Flight Attendant.