Kung saan mulat ang mamamayan sa pagtanggol sa dagat o gubat, asahan naman, dahil yon sa maka-kalikasang opisyales. Sa Nasugbu, Batangas, bumuo ng Bantay Dagat ang mga dating magdidinamita at maglalason. Kusa nilang pina-patrol ang municipal waters laban sa commercial fishing vessels. Suportado sila ni Mayor Raymond Apacible. Inihingi sila ng speedboats sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para panghabol sa blast fishermen mula Cavite.
Sa Palawan, masugid din ang local officials laban sa illegal fishing. Nung Mayo 2002 sa Cagayancillo namuno sila sa mga mangingisda at seaweed growers sa paghuli sa 17 Chinese poachers. Sa El Nido nung Pebrero, tumulong ang taumbayan sa paghuli sa tatlong commercial vessels na namasok sa municipal waters.
Pero peligroso ang trabaho nila. Ani Luis Nacario, Bantay Dagat chairman sa Nasugbu, malimit makalusot sa kaso ang mga kapitan ng commercial fishing vessels "dahil marami silang maimpluwensiyang abogado." Dalawang beses, siya pa ang dinemanda.
Masuwerte pa si Nacario. Sa karatig-bayan ng Calatagan, 200 ang napaaresto ni Bantay Dagat head Sixto Atienza sa loob ng dalawang taon. Nung Mayo, kasasalita lang niya sa pista sa baryo nang barilin siya sa ulo. Sa Payao, Zamboanga Sibugay nung Hunyo, papalapit si maka-kalikasan Mayor Moises Araham para sitahin ang dalawang bangka ng magdidinamita nang tadtarin siya ng bala ng armalite.