Ang mga pang-aabuso at pandaraya ng mga establisimiyento ay matagal nang nangyayari at kataka-taka namang patuloy pa rin sila hanggang sa ngayon sa paglabag. Walang kinatatakutan na para bang kayang-kaya nilang lusutan ang ngipin ng batas at Department of Labor and Employment (DOLE). Isa sa mga pinaka-kawawang manggagawa ay iyong mga nasa garment factory o mga mananahi ng damit na pang-eksport. Marami sa mga garment factory ang umaabuso sa kanilang manggagawa dahil sa haba ng oras ng pagtatrabaho subalit hindi naman binabayaran ng overtime. Trabahong kalabaw ang ginagawa at magdamagan pa. May mga napaulat na may ipinaiinom pang gamot sa mga manggagawa para hindi makatulog sa oras ng trabaho at nang makarami ng produksiyon.
Karamihan pa sa mga manggagawa ay menor-de-edad na maagang nasabak sa paghahanapbuhay. Ang iba, dahil sa pang-aabuso at pandaraya ng mga ganid na garment factory ay pikit mata na lamang ang pagtanggap sa kanilang kinasadlakan.
Sinabi ng DOLE na may 41 porsiyento ng mga commercial establishments ang lumalabag sa labor laws. Tinatayang may 40,000 manggagawa sa buong bansa ang nadadaya at naaabuso ng mga ganid na employer. Natuklasan ang bilang na ito makaraang magsagawa ng inspection ang DOLE sa unang tatlong buwan ng taong ito. Sa may 6,603 establisimiyento, natuklasan ng DOLE na 2,695 ang lumabag sa batas. Dinaya ang kanilang manggagawa.
Nag-iinspection ang DOLE at katunayay nakuha nila ang figure ng mga abusadot mandaraya, subalit ano ba ang kanilang ginagawang hakbang para maproteksiyunan ang manggagawa. Madali lang namang magsagawa ng inspection pero ang aksiyon kung paano matutulungan ang mga manggagawa ay walang malinaw na programa. Parusahan nang mabigat ang mga abusado upang hindi na pamarisan.