Itinanggi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang panibagong pambobomba sa isang palengke sa Koronadal. Wala raw silang nalalaman sa pangyayari. Ganyan din ang sinabi ng MILF noong May 10, 2003, ang huling insidente ng pambobomba na pumatay ng siyam na katao at sumugat nang may 40 katao. Sa pambobomba noong Huwebes, tatlo katao ang namatay at may 28 ang grabeng nasugatan. Kabilang sa namatay ang isang 11-anyos na batang babae na nagtitinda ng supot na plastik. Naghahanapbuhay ang inosenteng bata nang mamatay sa kagagawan ng mga uhaw sa dugo. Ang bomba ay inilagay sa talaksan ng mga damit na "ukay-ukay".
Sino nga ba ang aakong may responsibilidad sa pambobomba? Wala. Una nang tumanggi ang MILF. May nagsasabing ginawa ito upang madiskaril ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at MILF. Baka ang military mismo. Baka ang Jemaah Islamiyah (JI) na nagsagawa ng malawakang pambobomba sa Metro Manila noong Dec. 30, 2000 na pumatay ng maraming tao. Aywan.
Ang pinaka-mainam na magagawa ng gobyerno ay pakilusin ang military at tugisin ang mga responsable. Nagpalabas na sila ng sketch at marahil naman hindi na mahirap para sila hanapin. Ang pagiging vigilant na lamang ang dapat gawin ng taumbayan sapagkat hindi nga sila kayang protektahan ng namumuno sa nasabing lungsod. Kung nagkaroon lamang ng aral ang awtoridad sa Koronadal, hindi mangyayari ang pambobomba. Kung nagkaroon ng seryosong pagbabantay ang mga pulis sa lahat ng oras, hindi nakapasok sa palengke ang mga "uhaw sa dugo".
Ngayong may namatay na saka lamang uli maghihigpit ang kinauukulan doon. Magkakaroon ng puspusang pag-iinspeksiyon at pagrerekisa. Pagkaraan ng ilang linggo o isang buwan, balik na naman sa dating kaluwagan. Iyan ang sasamantalahin ng mga "uhaw sa dugo". Kailan nga ba magkakaroon ng leksiyon?