EDITORYAL - SARS reresbak, ituloy ang pag-iingat

HINDI pa tapos ang pananalasa ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) at maaaring manalasa uli sa mga susunod na buwan, ito ang pahayag ng World Health Organization (WHO). Isa ang Pilipinas sa mga tinamaan ng sakit at kailan lamang ipinahayag na SARS-free, gayunman, may mga bansa pa rin na ayaw papasukin ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa takot na may dala pang virus.

Nagbabala si Shigeru Omi, director for WHO Western Pacific Region, na dapat ay panatilihin ng mga bansang sinalanta ng SARS ang pag-iingat at ang pagbabantay sa loob ng isang taon upang makasiguro na hindi na kakalat ang misteryosong sakit. Hanggang sa kasalukuyan wala pang lunas sa SARS.

Hindi malilimot ang pananalasa ng SARS sa Pilipinas makaraang mamatay ang Pinay na si Adela Catalon, isang nurse na galing sa Toronto, Canada. Buong Barangay Vacante sa Alcala, Pangasinan ay isinailalim sa quarantine makaraang mamatay si Adela ganoon din ang ama nito makaraang mahawahan ng sakit. Pinandirihan ang mga taga-Barangay Vacante at may ilang buwan ding nagdusa.

Maluwag na ngayon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na dati’y naging mahigpit sa takot na may makapuslit na carrier ng virus. Maski ang mga may sipon noon ay hindi pinaliligtas. Inihihiwalay kaagad sa karamihan ng tao at iniiksamen. Lahat ng dayuhan ay mahigpit na sumasailalim sa pagsusuri lalo pa ang mga nanggaling sa China at Hong Kong. Sa Guandong, China pinaniniwalaang nagsimula ang sakit na unang naireport noong November 2002. Sa kabuuan, may 800 katao ang namatay sa SARS at may 8,400 ang na-infect sa may 30 bansa.

Nang nananalasa ang SARS, maraming panukala ang mga pinuno ng pamahalaan. Nanguna si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani Fernando na kailangan ay panatilihin ang kalinisan. Ipinagbawal ang pagdura at ang maling pagtatapon ng basura. Ngayong idineklarang SARS-free na ang bansa, nawala na ang kampanya. Dumami pa ang dumudura sa kung saan-saan. Nawala na ring bigla ang paglilinis na ginagawa ng mga mayor sa kanilang nasasakupan. Maraming lugar na naman ang nanggigitata sa dumi.

Nawawala na rin naman ang kampanya ng Department of Health (DOH) na panatilihin ng bawat mamamayan ang kalinisan, maghugas ng kamay bago kumain, mag-exercise at huwag manigarilyo. Madaling nawala ang kampanya sa loob lamang ng isang buwan. Kung babalik ang SARS, saka lamang ba uli susulpot ang kampanya ng pamahalaan at ang grabeng paghihigpit? Magkaroon na sana ng leksiyon sa nakalipas.

Show comments