Paano ititigil ang dynamite fishing

INUSISA ko ang ilang dating dynamite fishers. Sa Nasugbu, Batangas, huminto na sila dahil takot maputukan. Ilang kamag-anak na nila ang naputulan ng braso; suwerte pa nga ang mga ‘yon, ang iba ay namatay. Sa Puerto Prinsesa, Palawan, nakita nilang maganda ang huli dahil walang "bung-bung" o "bigas-bigasan," mga code sa dinamita. Nilisan nila ang mga kinalakihang baryo sa Bicol at Quezon dahil wala nang bahurang tirahan ng isda; puting peklat na lang sa ilalim ng dagat ang iniwan ng putok at cyanide.

Ano ang ginagawa nila ngayon? Balik sa pangangawil dahil yumabong na muli ang laman-dagat. Karamihan ay volunteer pa man din ng bantay-dagat, mga patrolya ng maliliit na mangingisda laban sa pagpapasabog o pamamasok ng commercial fishing vessels sa municipal waters. ‘Yung ibang bantay-dagat, may speedboat pa galing sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. At ‘yung ibang samahan nila, may sideline na pagpapalaki ng green lapulapu sa fish cage o seaweeds na ine-export bilang carageenan.

Di lang takot maputukan o tuwa sa magandang huli ang sanhi ng pagbabago Meron din silang mga opisyales na mahigpit magpatupad ng batas. Ayon kasi sa Fisheries Code, pangunahing tungkulin ng meyor at barangay chairman sa mga baybayin ang pagsupil sa ilegal na paraan ng pangingisda sa loob ng 15 kilometro mula pampang. At meron silang mga naasang NGOs (nongovernment organizations) sa komunidad na nagturo at nagpautang ng puhunan para sa sideline.

Tinataya ng World Fisheries Center na 90% ng lamang-dagat sa Pacific Ocean ay inani na mula nu’ng World War II. Inuubos pa ng dinamita at lason ang nalalabi. Maaring maubos ang pagkain ng mga susunod na henerasyon.

May oras pang magbago’t baliktarin ang epekto ng mapanirang pangingisda. Magkaisa lang ang mga mangingisda, local officials at NGOs para ituwid ang lahat at alagaan ang kalikasan.

Show comments