Habang palawak nang palawak ang "pagbuhay sa Maynila", marami rin namang lugar na nakakaligtaan o nalilimutan. Maraming lugar na madilim na ginagawang pugad na ng mga holdaper at snatcher. Hindi kalayuan sa nagbabagang Roxas Blvd., malapit sa Luneta ay may isang lugar na nababalot ng dilim na paboritong takbuhan ng mga snatcher at holdaper. Ito ay sa bahagi ng Old Congress Bldg. malapit sa tinatawag na Round Table. Talamak ang holdapan at snatching doon. Matakatapos mangholdap o makapang-snatch ay walang anumang maglalakad, patungo nga roon sa madilim na lugar sa may Old Congress Bldg. Nasa di-kalayuan naman ang detachment ng pulis na kapag inireport ang insidente ng snatching ay wala namang magawa. Madilim ang lugar at ni hindi nakaamot ng kaunti sa nagbabagang Roxas Blvd.
Habang may nagsasagawa ng panghoholdap sa lugar na nabanggit, nagkulumpon ang mga traffic enforcer ng Maynila sa tapat ng City Hall para mangotong sa mga matitigas ang ulong jeepney driver na nagbababa at nagsasakay doon. Habang abala sila sa pangongotong, walang takot ang mga halang ang kaluluwa sa pagsasamantala sapagkat itinatago sila ng dilim.
Paliwanagin ang buong Maynila at dagdagan ang seguridad sa mga lugar na maraming nagdaraang tao na karamihan ay mga estudyante at mga empleado. Binubuhay ang Maynila dahil sa pagpapaganda sa mga lugar para gawing pasyalan, kainan, sayawan pero kakatwang marami rin ang napapahamak at nagbubuwis pa ng buhay dahil sa masasamang loob na nagtatago sa karimlan ng Maynila.
Paliwanagin ang Maynila at bantayan ng awtoridad para maging ligtas sa panganib. Dito maaaring mabuhay ang Maynila.