Ganun pa man, nag-aplay pa rin siya para sa preference rating, kalakip ang mga nasabing sinumpaang salaysay. Nang maisumite ang kanyang aplikasyon sa Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) nag-isyu ito ng Master List at sertipikasyon na ang kanyang ama ay isang World War II Veteran at may ranggong private. Kaya, binigyan ng Civil Service Commission si Lina ng benepisyong 10 percent additional preference rating at Career Service Professional Eligibility.
Subalit nang magsagawa ng pagsusuri ang CSC at PVAO upang matukoy ang katotohanan ng kanilang rekords tungkol sa mga ipinagkaloob nitong 10 percent preference rating, natuklasan nilang ang ama ni Lina ay hindi kasama sa opisyal na listahan ng mga beterano ng PVAO.
Kaya kinasuhan ng CSC si Lina ng dishonesty at falsification of official documents. Nahatulan si Lina at natanggal sa serbisyo. Tama ba ang CSC?
MALI. Hindi maaaring mahatulan si Lina kung siya naman ay may paniniwalang ang kanyang ama ay isang beterano ng giyera. Kahit na hindi kumpirmado ang paniniwalang ito, isinumite naman niya ang mga sinumpaang salaysay ng mga kasamahan ng kanyang ama sa serbisyo bilang patunay dito. Sa katunayan nag-isyu pa nga ng PVAO ng master list at sertipikasyon na nagpatotoo dito. Isa sa mga elemento ng kasong palsipikasyon ng opisyal na dokumento ay ang paglalahad ng maling pangyayari. Sa kasong ito, ang mga isinumiteng salaysay ng mga kasamahan ng ama ni Lina sa serbisyo ay may anyo ng katotohanan bilang suporta sa kanyang kahilingan. Sa katunayan habang hindi pa napagpapasyahan ang kanyang apila, kinumpirma ng Military Service Board of the Department of National Defense ang serbisyong militar ng kanyang ama.
Kaya, kailangang mapawalang-sala si Lina at bayaran siya ng suweldong ipinagkait sa kanya (Relucio vs. CSC et. al. G.R. 147182 November 18, 2002.