Nagngitngit naman sa galit si Lacson at bilang pagganti ay binuweltahan nito sa pamamagitan ng pagbubulgar na ang senador ng Mindanao ay ang may kagagawan kung bakit pumalpak at hindi nakasuhan ang Chinese drug trafficker na si Lawrence Wang.
Ito ang pinagtatakhan ng marami. Bakit hanggang ngayon ay wala pang aksyon ang Senado laban sa mga kaso laban kay Lacson samantalang matagal na itong nakahanda. Noon pa mang hindi pa senador si Lacson ay hot na hot na ang mga kasamahan ni GMA na hindi nila lulubayan si Lacson hanggang hindi ito nakukulong? Mayroon ba silang nagawa? Nanalo pa nga si Lacson bilang isang senador. Nagmukhang tanga sina Col. Victor Corpus at Rosebud na alam naman ng lahat na pakawala ng mga taga-administrasyon.
Para namang ipinakikita ni Lacson na hindi lamang ang kasama niyang senador na mula rin sa Cavite ang may anting-anting. Gusto ng ilang senador mula sa panig ng administrasyon sa pangunguna mismo ni Senate President Franklin Drilon na mamagitan sa away ni Barbers at Lacson. Ang gusto bang sabihin nito ay ayos na rin ang mga kaso laban sa brandy drinker na senador. Ay, naku, ang pulitika nga naman. Nakakalasing. Pati prinsipyo ay nakakalimutan na.