Kung si Lina ay napahiya dahil hindi niya nagawang ipasara ang jueteng sa bansa sa loob ng isang taon tulad ng ipinangako niya eh mukhang gumanti naman siya sa mga heneral ng pulisya natin. Ang isa kasing dahilan kung bakit hindi umusad ang jueteng campaign ni Lina ay dahil hindi sinunod ng kapulisan natin ang kanyang mga direktiba. Ika nga binale-wala nila si Lina.
Pero nag-iba ang ihip ng hangin nang hirangin ni Lina si Chief Supt. Manuel Cabigon, bilang bagong hepe ng Jericho. Maraming accomplishments at walang sinisino si Cabigon kayat sa maikling panahon ng kanyang panunungkulan ay napahiya ang kanyang kapwa heneral sa kanya. Pinatunayan kasi ni Cabigon na buhay na buhay ang operasyon ng jueteng taliwas sa report na ipinapadala ng mga Police Regional Office (PRO) ng PNP natin. Malakas na sampal ang dumapo sa mga pisngi ng ating mga heneral, di ba mga suki? He-he-he! Buti nga sa inyo no. Matapang lang kayo kapag trabahador ng jueteng ang kaharap nyo. Bahag naman ang buntot laban sa kriminal? Dapat mahiya rin kayo sa pag-amin ng President Arroyo na tumataas ang bilang ng kidnapping at iba pang krimen at wala kayong ginagawa.
Sa meeting pala ng mga heneral sa hotel sa Roxas Blvd., ginigiit nila na tigilan na ng Jericho ang pagpahiya sa kanila. Nagbanta ang mga heneral pero walang makapagsabi sa mga kausap ko sa Manilas Finest kung ano ang pananakot nila laban kay Lina. Basta ang alam ng kausap ko ayaw ng isang heneral ng gulo. Magre-resign na lang daw siya kapag napunta sa gulo ang conclusion ng usapan nila. Mukhang malapit kay Lina si heneral.
Kung sabagay, mula noong meeting hindi ko na na-monitor ang patuloy na pamamayagpag ng Jericho. Kung noong mga unang araw ng Jericho ni Cabigon ay sunud-sunod ang accomplishments nila eh mukhang napagsabihan na sila, anang kausap ko sa Manilas Finest. Sa laban na ito, mukhang nanaig ang mga heneral laban kay Lina, aniya. Kaya kung ang pangil ng Jericho noon ay matutulis, sa ngayon ay naging plastic na. Wala ng aray ika nga kung mangagat ng jueteng lords.
Sinabi ng kausap ko na mukhang natauhan rin si Cabigon. Kasi nga kung hindi lumamig ang tampuhan nina Lina at mga heneral eh maiipit siya sa nag-uumpugang mga bato. Na-realize niya ata na pulis din siya at hindi magiging maganda kung ang kapwa niya pulis ang kagalit niya. Si Lina kasi ay mawawala rin sa puwesto pero ang mga kasama niyang pulis ay pulis pa rin at magkikita pa rin sila bago siya magretiro.