^

PSN Opinyon

Paglutang ng mga malalaking pangalan at pagtukoy sa safehouse ng human smuggling syndicate

BAHALA SI BITAG - Ben Tulfo -
NANINIWALA ang kolum na ito na hindi tumatanggap ang ACCRA Law Office ng mga kasong kinasasangkutan ng mga personahing sangkot sa sindikatong nasa likod ng human smuggling.

Subalit pinangangalandakan ng utak ng nasabing sindikato na si ANALYN LOPEZ a.k.a. Evelyn Banal , Suzette Flores ang ACCRA Law office. Tinuturo niya ang isang Atty Fernandez na taga ACCRA raw na tumatayo bilang abogado nila.

Lumutang din ang pangalan ng isang judge ng Manila Regional Trial Court na nagngangalang JUDGE NABONG. Maaring lingid sa kaalaman ni JUDGE NABONG na kinakaladkad ang kanyang pangalan ng sindikatong ito.

Naka-archive lang daw ang mga kasong kinasangkutan nitong si ANALYN LOPEZ kay JUDGE NABONG. Tinatrabaho na ito ngayon ng aming investigative team.

Matatandaan, pinangalandakan din ni ANALYN LOPEZ na malawak ang kanyang koneksyon sa pamahalaan. Magmula umano sa mga huwes, piskal, mga ahente ng National Bureau Investigation, Bureau of Immigration, maging sa ating kapulisan.

May hawak na tatlong passport si Lopez, iba’t-ibang pangalan ngunit iisa ang kanyang mukha. Isang bagay na hindi magagawa ng isang ordinaryong sindikato kung hindi malalim ang kanyang koneksyon sa Department of Foreign Affairs.
* * *
Narito ang address kung saan matatagpuan ang safe house ng sindikatong nasa likod ng human smuggling sa labas ng ating bansa, NAGARA MANSION 2F, SOI NAI LERT, WITTHAYU ROAD, BANGKOK, THAILAND.

May 47 na Filipina ang nakakulong sa nasabing safe house, anim na buwan na silang nakakulong. Isang nagngangalang Edelweiss Flores ang tumatayong "look out" ng nasabing sindikato.

May ilan din ang nakatakas at nakauwi na sa Pilipinas. Agad nakipagkita ang mga ito sa amin upang iparating ang kanilang naranasang kalbaryo sa kamay ng mga sindikato.

Lahat sila na-recruit na galing sa malalayong probinsya. Narinig nila ang "apple picker" radio advertisement para sa bansang Australia. Ang mga ito’y mula sa mga sumusunod na lalawigan: Pampanga, La Union, Isabela, Ilocos, Bicol, Batangas, Tacloban at Davao.

Mahigit 72 kababaihang biktima ang nakaalis simula nung batch ng Disyembre ng nakaraang taon. Hindi sila nakaalis dahil iba ang balak para sa kanila ni ANALYN LOPEZ.

Bumisita si ANALYN LOPEZ sa Bangkok upang ipaalam sa kanila na hindi sila matutuloy dahil may nakapag-tip daw sa Australian Immigration.

Malakas ang kutob ng aming investigative team na sangkot din ang sindikatong ito sa "flesh trade" sa pamamagitan ng human smuggling patungo sa mga bansang legal ang prostitusyon.

Ayon daw kay LOPEZ may broker siyang naghihintay mula sa Denmark, Sweden at Italy kung saan mataas ang bigay na pasahod ngunit depende na ito sa trabahong kanilang papasukan.

Pinipili niya yung mga may hitsura, may hugis ang katawan at makinis ang mga balat. Ito raw ang prayoridad at best candidate na hindi tatanggihan ng mga "broker".

Habang tumatagal ang pananatili ng mga pobreng biktima sa safe house, lalo silang pinanghihinaan ng loob. Unti-unting silang nawawalan ng pag-asa.

Dito sinasamantala ng mga sindikato na gamitin ang pagkakataong maisagawa ang "mental conditioning" upang maimpluwensiyahan at makumbinse ang mga biktima na tanggapin ang trabahong naghihintay sa kanila.

Kinunan daw ni ANALYN ng video ang ilan sa kanila suot ang two-piece bathing suit. Ilan sa kanila ay dinala sa mga reputableng hotel na tinatambayan ng mga consul ng ibang bansa.

Dito pinayuhan sila, "i-entertain" ang mga consul na lalapit sa kanila habang naliligo sa pool.

Abangan, mga pangalan at mga contacts ni Analyn Lopez sa Bangkok at kanyang mga kakuntsaba hindi lang sa human smuggling maging sa iba pang illegal na mauuwi sa money laundering.
* * *
Para sa mga tips, reklamo’t katiwalian, tumawag o mag-text sa mga numerong ito: 0918-9346417 at sa telepono 932-5310 / 932-8919. Makinig sa DZME 1530 Khz, Lunes hanggang Biyernes, 9:00-10:00 ng umaga. At panoorin ang programang "BITAG" sa ABC-5, tuwing Sabado, 5:00-5:30 ng hapon.

ANALYN

ANALYN LOPEZ

ATTY FERNANDEZ

AUSTRALIAN IMMIGRATION

BUREAU OF IMMIGRATION

DEPARTMENT OF FOREIGN AFFAIRS

LOPEZ

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with