Sinabi noong nakaraang linggo ni MILF Spokesman Eid Kabalu na pumirma na sila at ang gobyerno sa isang agreement para simulan ang panibagong pag-uusap sa kapayapaan. Ayon kay Kabalu, ginawa ang pagpirma sa kasunduan sa Kuala Lumpur. Subalit ang pahayag ni Kabalu ay maliksing itinanggi ng pamahalaan. Wala anilang kasunduang pinipirmahan. Walang katotohanan ang sinabi ni Kabalu.
Ano ang ibig palabasin ng MILF at sinasabing mayroon nang pinirmahang agreement? Hindi kaya may ibang kausap ang MILF na miyembro ng Gabinete na lingid sa kaalaman ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Nakaaalarma kung magkakaganyan sapagkat maraming malilito sa tunay na isyu. Iisiping ang pamahalaan ang nagsisinungaling. Dapat maging malinaw ang isyung ito at hindi dapat pumasok sa usapang wala rin namang kahahantungan.
Ilang beses nang naglatag ang pamahalaan ng usapang pangkapayapaan sa MILF at magsisimula na sana noong Abril subalit muling nagsagawa ng pananalakay ang MILF at maraming buhay (pawang sibilyan) ang nasayang. Nagsagawa ng mga pambobomba sa Davao airport at Sasa wharf at sa iba pang lugar. Ipinag-utos ng gobyerno ang pag-aresto sa matataas na lider ng MILF dahil sa kasong pambobomba.
Kapag may nangyayaring pambobomba, agad namang tumatanggi ang MILF. Magsasalita agad sa radio si Kabalu at itatangging sila ang nambomba. Noong nakaraang Sabado, nakakumpiska ang mga sundalo ng 450-kilogram ng C4 plastic explosives sa kuta ng MILF. Mabilis na nagpa-interbyu si Kabalu at itinangging sa kanila ang explosives. Mas matindi nang sabihin nitong ang mga explosives ay sa military at "itinanim" sa kanila para sa kanila ibintang ang karahasan sa Mindanao. Gagawin umanong "scapegoat" ng military ang MILF.
Ano pa ang susunod na itatanggi ng MILF? Baka mas matitindi pa. Paano pa ba sila paniniwalaan? Hindi dapat basta-basta magtiwala ang pamahalaan sa MILF na sa nakalipas ay pawang "saksak sa likod" ang kanilang tinamo. Kung nais ng MILF ng kapayapaan, isuko muna ang mga miyembro nila na nagsagawa ng pambobomba at pumatay nang maraming sibilyan. Kung seryoso sila at ang hangad ay tunay na kapayapaan, huwag nilang salakayin ang mga lugar na tirahan ng mga kawawang sibilyan.