Sa pagsulpot ng mga personalidad kaugnay sa bagong pakikipaglaban sa ilegal na droga tila nawawalan naman ng papel ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pinamumunuan ni Anselmo Avenido Jr. Ang PDEA ay isang ahensiya na itinatag mismo ni Mrs. Arroyo para masupil ang problema sa droga. Nasasapawan ang PDEA at ngayoy hindi malaman kung sino nga ba ang maykapangyarihan para malupig ang drug syndicates. Ang "apat na alas" ba o si Mrs. Arroyo na tinawag na drug czarina? O si ex-mayor Lim na tinawag na "Dirty Harry" na naging popular sa pag-spray ng pulang pintura sa pintuan ng mga suspected drug traffickers. Si Lim, ayon sa rekomendayon ni Barbers ang presidential adviser. Bago ang appointmnent kay Lim, sinabi ni Barbers na handa siyang magbitiw sa Senado para hawakan ang posisyon na iaatang ni Mrs. Arroyo.
Labu-labo sa pakikipagdigma sa drug syndicates. Walang makitang solidong grupo o indibidwal na hahawak para labanan ang sindikato. Si Mrs. Arroyo ang dapat magresolba ng ganitong problema para lubusang mapaigting ang paglaban sa illegal drugs. Habang nag-aagawan at nagbabangayan kung sino ang mamumuno kontra sindikato, tuwang-tuwa naman ang mga drug traffickers sapagkat hindi sila magkasundo. Tuloy ang kanilang ligaya sa pagtutulak ng shabu. Patuloy ang paglikha nila ng mga halimaw sa bawat barangay sa buong Pilipinas. Patuloy ang pagtaas ng krimen na nagiging dahilan kung bakit marami na ang nahihintakutang lumabas ng bahay.
Isang ahensiya na lamang ang atasan ni Mrs. Arroyo para lumaban ng puspusan sa sindikato. Mas marami mas magulo. Mas maraming namumuno mas walang nabubuo.