Isa sa mga makabuluhang batas ang RA 9211 at sana ay magkaroon ito ng matalas na ngipin para lubusang maitupad. Hindi sana matulad sa ibang batas na pagkaraang pagdebatehan nang napakatagal na panahon ay mawawalang-bisa lamang. Isang napakagandang regalo ng batas na ito sa mga hindi naninigarilyo. May pag-asang hindi magkaroon ng mga sakit dahil sa ibinubugang usok ng mga naninigarilyo. Ang sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay isang dahilan ng maagang kamatayan nang halos lahat ng tao sa buong mundo. Sa report ng health authorities, mas matindi ang sakit na nakukuha ng mga nakakalanghap ng usok kaysa sa mga gumon sa sigarilyo.
Ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay ang kanser sa baga, labi, trachea, bronchus at pharynx. Ang pagkakaroon ng sakit sa puso, stroke at iba pang sakit sa circulatory system ay bunga rin ng paninigarilyo o iyong mga nakalalanghap ng usok ng sigarilyo. Tinatayang may 200,000 Filipino men ang nagkakaroon ng mga nabanggit na sakit. Sinabi ni Health Secretary Manuel Dayrit na gumastos ang pamahalaan ng P42 bilyon dahil sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo. Sa buong mundo, tinatayang may 4.9 milyong katao ang namamatay bawat taon dahil sa sakit na nakukuha sa paninigarilyo.
Sa pagkakasabatas ng RA 9211 mahigpit na ipagbabawal ang paninigarilyo sa lahat ng publikong lugar, kabilang ang schools, hospitals, clinics, laboratories, restaurants, pampasaherong sasakyan at marami pang iba. Ang sinumang lalabag sa batas ay pagmumultahin nang malaki at makukulong nang hanggang tatlong taon.
Ipatupad ang batas na ito nang may bigat at hindi ningas-kugon lamang. Marami nang batas na nasayang dahil sa pakitang tao, siguruhing ang RA 9211 ay maisisilbi at nang tuluyang mailigtas ang mga hindi naninigarilyo sa tiyak na kamatayan.