Hindi pa pormal na dinedeklarang "international terrorist group" ang MILF. Umatras ang gobyerno sa plano. Nangako kasi si US President George W. Bush na maglalaan ng taunang $30 milyon sa Mindanao kung magkaroon ng peace pact, at si Malaysian Prime Minister Mohamad Mahathir na tutulong siya sa peace talks. Pero terorismo na ang ginagawa ng MILF.
Lantaran sila pumatay ng civilians sa Maigo, Siocon at Carmen; winasak nila ang civilian water reservoir at electric tower sa Koronadal. Umamin pa si Muklis Yunos na siya ang namuno sa Rizal Day bombings sa Metro Manila nung 2000. At umamin na rin ang mga hinuling bombers sa airports ng Davao at Cotabato cities. Kaya nga 97% ng taga-Maynila ay pabor sa punitive military actions na inutos ni President Gloria Arroyo sa mga salarin.
Katuwiran ni Gonzales, hindi kaya ng militar lipulin ang 12,000 rebelde. Mahigit 20 taon na sila sa giyera; tuwing may nalalagas, may pumapalit. Sang-ayon si presidential adviser on the peace process Ed Ermita, isang dating heneral. Mabuti na raw kausapin ang MILF at ibigay ang kabuhayan at karapatang hinihingi-huwag lang tumiwalag ng teritoryo ng Pilipinas.
Sa pakikipag-usap niya kay MILF military vice chairman Ibrahim Murad, ani Gonzales, pabor ang central committee sa peace talks. Nais nila na umunlad ang buhay ng Moro, maitayo muli ang mga nawasak na komunidad, at maluklok sa Autonomous Region for Muslim Mindanao-tulad ni Nur Misuari na Moro National Liberation Front nung 1996.
Pero pano ang katarungan para sa mga pinatay nila?