'Iskul bukol' na caregiving school, umani nang pinakamataas na TV ratings sa BITAG!

NAGING laman ng espasyo na ‘to nung ika-5 ng buwang kasalukuyan ang pambubukol (panloloko) ng isang "iskul bukol" na caregiving school.

Nagbigay kami ng babala sa lahat ng mga kababayan natin na nagnanais na maging caregiver sa ibang bansa.

Bibigyan namin ng diin ang mga salitang ito, "Tandaan, hindi sapat ang pagiging lehitimo at lisensyado ng isang caregiving training center upang maging batayan na ligtas kayo sa mga malikhaing caregiving centers".

Pagmasdan ang salitang aking ginamit, "malikhain" sa estilo at pamamaraan ng kanilang modus.

Kauna-unahan ang kolum na ito sa hanay ng mga respetadong tabloid na nagdeklara ng "all-out war" laban sa mga opurtunista’t mapagsamantalang caregiving training centers.

Gaya ng aming paulit-ulit na sinasabi, hindi namin estilo ang nagsusulat ng walang pinanghahawakang matibay na ebidensya. Dito kami naiiba! Gumagana ang aming tri-media investigative/surveillance team sa pangunguna ng BITAG.

Nakita namin ang butas. Mahirap para sa mga mabibikima ng mga manggagantsong caregiving schools. Hindi madali ang kanilang pakikipaglaban.

Isang halimbawa ay ang na-BITAG namin, ang DELA KRISTINE PROFESSIONAL SKILLS AND DEVELOPMENT INC. Agad naming diniretso ang mga reklamo ng mga nabiktima nitong estudyante sa tanggapan ng National Bureau of Investigation-National Capital Region.

Walang pangil ang Technical Educational Skills and Development Authority (TESDA) na nagbibigay ng lisensya sa mga caregiving school. Trabaho lang ng TESDA i-monitor kung sumusunod sa pamantayan ang mga accredited nilang paaralan bilang caregiver
* * *
UPDATE: Matapos naming maipalabas ang aming episode na ang pamagat ay "Iskul bukol" nung ika-7 ng buwang ito sa ABC-5, alas 5:00-5:30, marami ang tumawag at nag-text.

Humihingi ang mga ito ng payo kung anong mga caregiving schools na puwede nilang pasukan na hindi sila magkakaproblema.

Ang aming sagot, "Kung may pagdududa kayo sa inyong napasukang caregiving center, karapatan niyong busisiin ang lahat ng bagay na dapat n’yong malaman. Lalo na’t matapos kayong makapagbayad"

Huwag kayong mag-atubili humingi ng tulong sa amin. Hangad naming iiwas kayo sa mga panloloko ng mga opurtunista’t mapagsamantalang caregiving school.

Ang episode ng "Iskul bukol" ay pumalo sa pinakamataas na rating sa lahat ng episode ng BITAG.

Rumehistro ito ng 8.3 percent share. Pumangatlo sa mga nagbabangayang dalawang higanteng network sa oras na alas 5:00 hanggang alas-5:30 ng hapon.
* * *
Para sa mga tips, reklamo’t sumbong, tumawag o mag-text sa mga numerong ito: 0918-9346417 at sa telepono 932-5310/932-8919. Makinig sa DZME 1530 Khz, Lunes hanggang Biyernes, 9:00-10:00 ng umaga. At panoorin ang programang "BITAG" sa ABC-5, tuwing Sabado, 5:00-5:30 ng hapon.

Show comments