At dahil sa tingin niya ay malaking pera ang maiakyat sa kanya ni Albano, aba eh kumuha ng tatlong hulugang kotse si Castro, ayon sa balitang kumakalat sa Camp Crame. Ang siste lang, imbes na malayang makapagkolekta ng intelihensiya itong si Albano aba eh nagsarahan ang mga pasugalan sa kaharian ni Castro dahil abot langit ang presyo niya. At nabitin nga ang pambayad ni Castro sa tatlong sasakyan niya at may posibilidad na mahatak pa ito ng ahensiya, he-he-he! Naghangad kasi ng kagitna, di ba mga suki. Mabangis talaga si Albano no? Baka itong sobrang suwapang na si Albano ang dahilan kung bakit hindi makapuwesto ang kapatid niyang si Chief Supt. Rowland Albano, ang deputy director for administration ng NCRPO?
Pero noong magsarahan naman ang mga pasugalan sa CPD eh itong pa-jueteng ni Togo sa Novaliches lang ang naiwang bukas. Si Togo mga suki ay pamangkin ni Tony Francisco ang jueteng king sa CPD. Ika nga si Togo ang dummy ni Francisco at alam yan ni Chief Supt. Manuel Cabigon, ang hepe ng Jericho ni Interior Secretary Joey Lina. May ibubuga kaya si Cabigon laban ke Tony Francisco? Tanong lang, he-he-he! Bilang na ang araw nina Tony Francisco at Togo.
Kung ang iniakyat na biyaya ni Togo eh may panggastos na ang opisina ni Castro eh mukhang kinakapos na, anang mga pulis na kausap natin. Kasi nga mukhang bibigay na itong si Albano, kung ang bigla ang pagbubukas ng video karera ni Eric Francisco nitong nagdaang mga araw ang pag-uusapan. Francisco na naman? Anak kaya ni Tony si Eric? Tanong lang. Pero mukhang kampante si Eric dahil na-centralized niya ang operation ng video karera sa kaharian ni Castro. Alam din kaya ito ni Cabigon?
Kung sabagay, maraming kausap nating pulis eh may simpatiya kay Castro. Kasi nga siya na ang huling ma-promote sa klase niya sa Philippine Military Academy (PMA) at sa tingin ng marami hindi naman siya nagpayaman sa kanyang nakaraang puwesto. Ika nga huli man eh humabol din. He-he-he! At si Albano pa ang hulog ng langit para matikman naman niya ang marangyang pamumuhay. Kaya lang nadungisan ang magandang record ni Castro na magreretiro na sa isang taon.
Hindi lang ang pagkuha niya sa tatlong kotse ang napupuna sa Camp Crame kundi ang pagiging adik ni Castro sa mahjong. Pinag-uusapan kasi sa Camp Crame na si Castro pala kapag nangati ang mga kamay eh umuuwi pa sa Angeles City para lang makapaglaro ng mahjong. Hindi ko lang alam kung malakihan ang taya nila ng kalaro niya. Pero dahil namamayagpag na itong mga Francisco sa kaharian niya, palaging nakangiti na si Castro nitong mga huling araw. Happy days are here again sa CPD. Abangan!