Totoo nga naman: Naka trans-Pacific flight siya. Pero nakakulong pa rin, tulad ng libu-libo pang Pinoy sa dose-dosenang bansa.
Nung 1997, sabi ng International Labor Organization, 4.6 milyong overseas Filipino workers ay ayos ang papeles, pero 1.7 milyon ang hindi. Lumala pa. Nung 1999, ayon sa Dept. of Foreign Affairs, 3 milyon sa 7 milyong OFWs ay "undocumented" o puslit lang. Nadadagdagan pa ito ng 300,000-450,000 kada taon sa Europe.
Kahirapan ang sanhi ng pagti-TNT. Marami nawalan ng trabaho simula nung 1997 Asian financial crisis. Natigang pa ang lupa nung El Niño ng 1999 at 2002.
Kahirapan din ang dulot ng pagti-TNT. Kung hindi man kalaboso, sa mala-aliping trabaho at suweldo bumabagsak ang biktima.
Ilan sa TNT ay biktima ng illegal recruiter. Nilokong magbayad ng malaki para sa walang-kuwentang trabaho, at ipinuslit pa sa airport at airplane dahil kulang o fake ang papeles. Ang iba naman ay kusang-loob na nagpapuslit para makipag-sapalaran sa ibang bansa. Angal ng Italian embassy, mahusay ang travel agencies mag-fake ng dokumento tulad ng bank certificates, titulo sa lupa at diploma. Nung 1999, 23 aplikante ng tourist visa ang nabistong nagbayad ng tig-P200,000 para sa fake papers. Maaalalang 4,200 passports ang ninakaw sa Isabela nung 1998, at 1,240 ang nawala sa Lucena.
Kasabwat man ang bibiyahe o biktima ng illegal recruiter, sa airport mahaharang ang kulang o fake ang dokumento. Dahil sa paghihigpit sa NAIA at iba pang airport, human smuggling na ang ginagawa ng mga sindikato. Di lang Pinoy, kundi pati dayuhan ang pinupuslit patungong Amerika at Europe. Kamakailan lang, 29 Tsino ang nahuli sa NAIA papuntang Canada.