Mali pa rin ang timing ni President Gloria Macapagal-Arroyo sa pagsugod sa LTO noong Lunes, dakong alas-kuwatro ng hapon. Siyempre naitimbre na sa mga tiwaling opisyal doon at mga fixers na darating ang Presidente kung kaya walang nahuli sa akto. Ang tanging nalaman ni Mrs. Arroyo ay ang maagang pagliligpit ng mga empleado sa kanilang trabaho. Alas-kuwatro lamang ng hapon ay nakaprepara na para umuwi gayong alas-singko ang kanilang off. Nadadaya nila ang gobyerno dahil pinaiikli ang oras gayong napakaraming nakapila at naghihintay ng serbisyo. Pinasusuweldo ng taumbayan subalit ang serbisyo nila ay hindi sapat.
Walang nadakmang tiwali si Mrs. Arroyo sa LTO dahil nakaligpit na. Pinagbuntunan niya ng sisi si LTO Chief Roberto Lastimoso at ang assistant nito. Hindi nadatnan ni Mrs. Arroyo si Lastimoso kaya lalo pang sumiklab ang galit. Nang dumating makaraan ang 10 minuto si Lastimoso, pinagsalitaan niya ito sa publiko. Kakamut-kamot sa ulo si Lastimoso. Binira ni Mrs. Arroyo ang maagang pagsasara ng mga booth sa LTO ganoon din ang tungkol sa EWD na pinagkakakitaan ng mga buwayang opisyal. Kung sa loob mismo ng LTO bibili ng EWD nagkakahalaga ito ng P400 samantalang nagkakahalaga lamang umano ng P150. Ang EWD ay isa sa mga requirements para mairehistro ang sasakyan. Inalis ni Mrs. Arroyo ang kontrobersiyal na EWD.
Marami pang dapat halukayin sa LTO. Hindi ibig sabihin at nadiskubre ni Mrs. Arroyo ang mga ginagawang kalokohan doon ay mawawala na ang mga fixers at buwayang opisyal at empleado, sa palagay namin, palalamigin lamang ang isyu at tuloy muli ang katiwalian. Hanggat hindi tinatablan ang balat ni Lastimoso, paulit-ulit ang katiwalian sa nasabing tanggapan.