Marami na ang namuno sa bansang ito mula nang lumaya sa mga Kastila subalit ang kahirapan pa rin ng buhay ang nananatiling problema. Hindi makahulagpos sa kuko ng kadahupan. Marami ang sumasala sa pagkain at walang sariling tahanan. Marami ang nakatira sa ilalim ng tulay, overpass, flyover, kariton, waiting shed at kung saan-saan pa. Hindi nababawasan ang dami ng mga nagugutom kundi nadadagdagan pa sa pagdaan ng panahon.
Marami nang naipangako ang mga namuno subalit ang problema ng kahirapan ay nananatiling problema. Makalipas ang EDSA revolution noong 1986 marami ang nag-akala na ang pagkahulagpos sa kamay ng diktaduryang Marcos ang magiging daan upang makamtan ng mga Pilipino ang kaginhawahan sa buhay at makalaya sa kahirapan. Subalit wala ring nangyari. Mas maraming kawatan sa pamahalaan ang sumulpot at ang perang nakalaan sa pagpapaunlad ng bansa ay ibinulsa at marami ang yumaman. Mas marami ang naging gahaman at ang bulsa nila ang tanging naalala at hindi ang taumbayang nangangailangan. Marami ang nagrebeldeng bituka at tila kabuteng nagsulputan ang mga batang malalaki ang tiyan at nilalangaw ang mga galising binti.
Isinilang ang EDSA Dos. Lumaya sa gobyernong batbat ng pangako na niyanig sa eskandalo ng sugal. Walang nakamit ang taumbayan sa lalaking sumikat sa puting tabing na ang bukambibig ay walang kumpa-kumpare at kaibigan. Marami ang nalinlang na taumbayan.
January 20, 2001 nang maupo ang bagong pamahalaan at hanggang ngayon marami pa rin ang hindi lumalaya sa kahirapan. Tumaas ang singil sa kuryente at tubig. Nagbigay ng refund ang Manila Electric Company (Meralco) subalit binawi naman sa Purchased Power Adjustment (PPA) at sa marami pang bayarin na labis na ipinagtataka ng consumers. Hindi bumababa ang presyo ng pangunahing bilihin kahit na bumaba ang langis. Laging sinasabi na maganda na ang takbo ng ekonomiya at nakababangon na ang bansa. Subalit ang malaking katanungan ay kung bakit hindi nababago ang buhay ng mahihirap. Nasa kumunoy pa rin ng hirap at laganap pa rin ang krimen at corruption. Kailan lalaya sa kahirapan ang Pinoy?